12 koponan gustong sumali sa D-League Aspirant’s Cup
MANILA, Philippines - Pangungunahan ng mga Philippine Basketball Association Deve-lopmental League founding members na Café France, Boracay Rum at Cebuana Lhuillier ang siyam pang koponang naghayag ng kanilang intensyong sumali sa Aspirants’ Cup na magbubukas sa Oktubre 27.
Nagsumite na ng letter of intent ang Cagayan Valley, Jumbo Plastic, Lyceum of the Philippine College, Racal Motorsales Corp., San Sebastian College, Metro Pacific Investment Corp., Wangs Basketball, AMA University at ang MP Hotel ni Manny Pacquiao para makahabol sa itinakdang July 30 deadline ni PBA Commissioner Chito Salud para sa mga koponang interesadong lumahok sa opening conference ng fifth season ng D-League.
“We’re happy with the turnout. I assure our D-League fans that this season will be as inte-resting and as exciting as the previous conferences. Our partnership with ATC@IBC Asian Television Content Corporation and Stoplight Media Group makes me all the more optimistic that this season will be a success,” sabi ni Salud.
Sinabi pa ni Salud na ang official list ng mga partisipante para sa Aspirants’ Cup ay kaagad na ihahayag sa sanda-ling matugunan ng mga koponan ang hinihinging tournament fee bago ang September 1 deadline.
Sa kanilang letters of intent, sinabi ng Lyceum, Racal Motorsales Corp., San Sebastian College, Metro Pacific Investment Corp at ng AMA University na maglalahok sila ng mga school-based teams.
Inulit ni Salud na ang mga Fil-foreign players na gustong sumali sa PBA D-League Rookie Draft ay maaari pang magsumite ng kanilang aplikasyon sa August 22, habang ang mga local born applicants ay may hanggang August 28.
Ang ikalawang PBA D-League Rookie Draft ay nakatakda sa Setyembre 16 sa PBA Office sa Libis, Quezon City.
Ngayong season ay magiging mahigpitan ang laban matapos umakyat ang palagiang kampeong NLEX at karibal na Blackwater sa pro league na sisimulan ang 40th season sa Oktubre 19.
- Latest