Dokumento ng mga draft applicants binubusisi
MANILA, Philippines - Binubusisi ang citizenship documents ng 15 Fil-foreign applicants para sa darating na PBA draft sa ilalim ng contestability period na mula Hulyo 14 hanggang Agosto 12 pati na ang mga nakapasa sa eligibi-lity na isasama sa final list ng approved candidates na ilalabas sa Agosto 20.
Ang PBA draft para sa 40th season ay nakatakda sa Agosto 24 sa Robinson’s Manila.
Ang mga Fil-foreigners ay kinakailangang magsumite ng Bureau of Immigration certification at Department of Justice affirmation ng kanilang Filipino citizenship para maging draft candidates.
Dapat ay naibigay na ng mga Fil-foreign applicants ang kanilang mga dokumento noong Hulyo 8, ang deadline na itinakda ng PBA.
Ang listahan ng mga Fil-foreign draft candidates ay ipinamahagi na sa mga PBA teams noong Hulyo 11.
Nakumpleto ng sinasabing magiging No. 1 overall pick na si Stanley Pringle, isang Fil-Am mula sa Penn State, ang kinakailangang mga dokumento, ayon sa isang PBA source.
Ang isa pang requirement para sa isang Fil-foreigner ay dapat na nakapaglaro siya sa dalawang PBA D-League conferences bago makasama sa PBA draft.
Ang exception lamang ay kung ang isang Fil-foreigner ay 27-anyos o higit pa o kung nakapaglaro na siya para sa Philippine men’s senior national team. (QH)
- Latest