Saludar itsapuwera sa Asian Games
MANILA, Philippines - Inalis na sa talaan ng posibleng ipadala sa Incheon Asian Games ang boxer na si Rey Saludar.
Si Saludar na isa sa tatlong atleta ng bansa na naghatid ng gintong medalya sa 2010 Guangzhou Asiad sa flyweight division ay sinamang-palad na magkaroon ng rotator cuff injury.
Ang iba pang nanalo ng ginto sa Guangzhou ay sina Dennis Orcollo ng bilyar at Biboy Rivera ng bowling.
Hindi kasama si Orcollo dahil hindi lalaruin ang bil-yar sa Incheon kaya naiwan si Rivera na magtatangka na mapanatili ang pangunguna sa kanyang event.
“Matapos ang laro sa President’s Cup sa Kazakhstan ay sumakit na ang balikat niya. Noong ipinatingin, nakita na may rotator cuff injury siya at ang advise ay complete rest for two weeks. Malapit na ang Asian Games kaya paano pa siya makakalaban? Kaya hindi na siya makakasama,” wika ni ABAP executive director Ed Picson.
May makakapalit naman si Saludar sa katauhan nina Ian Clark Bautista at Roldan Boncales.
Sa dalawang ito, malaki ang posibilidad na si Bautista ang mapili dahil isa itong China Open gold me-dalist at tinalo si Saludar sa laban sa Digos.
“Hindi naman pipitsugin si Ian. Gold medalist siya sa China samantalang si Rey ay silver medalist sa Kazakhstan kaya hindi maaapektuhan ang campaign natin,” wika pa ni Picson.
Kahapon ay nagsagawa ng huling box-off ang ABAP para sa ibang boxers na pinagpipilian para sa Asian Games.
Ang mga nagsukatan ay sina Olympian Mark Anthony Barriga at Joegin Ladon sa light flyweight, Charly Suarez at Junel Cantancio sa lightweight at Dennis Galvan at Joel Bacho sa light welterweight.
Ang World champion na si Josie Gabuco at Nesthy Petecio ang mga ipanlalaban sa kababaihan. (AT)
- Latest