Sa pagkopo ng ‘three-peat’ sa Philippine Super Liga magandang teamwork ang sikreto ng Generika-Army
MANILA, Philippines - Walang ibang sikreto ang patuloy na pamamayagpag ng Generika-Army sa 2014 PLDT Home-Philippine Super Liga (PSL) All-Filipino Conference women’s volleyball kundi ang kanilang magandang teamwork.
Tinalo ng Lady Troopers ang RC Cola-Air Force Raiders via straight sets, 25-22, 25-16, 25-19, para sa ikatlong sunod na kampeonato sa ligang inorganisa ng Sports Core at handog ng PLDT Home DSL bukod sa ayuda pa ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.
Hindi maitatatwa na nasa koponan ang mga mahuhusay na manlalaro tulad nina Jovelyn Gonzaga, Rachel Ann Daquis, Mary Jane Balse at setter Tina Salak.
Ngunit walang epekto ito kung wala silang magandang samahan.
“It was a total team effort from inside and outside the court. Everybody chipped in from ranking generals down to regular military personnel,” wika ni De Guzman.
Hindi naman maganda ang panimula ng koponan dahil natalo sila sa unang dalawang laro dahil hindi agad nakasama si Salak dahil sa military schooling.
Nang maipaalam sa nakatataas, pinayagan si Salak na iwan muna ang pag-aaral at dito nagbago ang takbo ng laro ng Lady Troopers.
Apat na sunod na panalo ang kanilang naitala at lumabas pa bilang No. 1 team matapos ang elims tangan ang pinakamagandang tie-break sa mga nakatablang Raiders, Petron Blaze Lady Spikers at expansion team na AirAsia Flying spikers.
Dumiretso agad ang koponan sa semifinals at ang dagdag na pahinga ay lalong nagpabangis sa koponan dahil hindi sila lumasap ng pagkatalo sa anim na sets na hinarap sa knockout round.
Pinagpahinga ng Generika-Army ang Flying Spikers sa semis, 25-19, 25-23, 25-16, bago isinunod ang Raiders.
“Mahalaga rin ang experience ng mga players ko dahil hindi mo maituturo iyan,” wika ni De Guzman.
Si Salak, bagama’t hindi nanalo ng individual award, ang kinilala bilang Most Valuable Player.
Ang nabigyan din ng parangal ay sina Stephanie Mercado at Abigail Maraño ng AirAsia bilang 1st Best Outside Spiker at Middle Blocker.
Sina Suzanne Roces at Lizlee Ann Pantone ng PLDT Home TVolution Power Attackers ang Best Opposite spiker at Best Libero at si Rhea Dimaculangan ng RC Cola-Air Force ang Best Setter.
- Latest