Manny gagayahin si Roy Jones, Jr.
MANILA, Philippines - Kung walang kukuhang ibang PBA teams sa darating na 2014 PBA Rookie Draft ay si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao ang magiging ikalawang fighter na naglaro ng organized basketball matapos si Roy Jones, Jr.
Ang 5-foot-11 na si Jones, nagkampeon sa middleweight, super middleweight, light heavyweight at heavyweight divisions, ay naglaro para sa Jacksonville Barracudas sa US Basketball League (USBL) noong 1990s.
Minsan nang nakita si Jones sa isang laro ng Barracudas sa USBL sa umaga bago maidepensa ang kanyang suot na IBF super middleweight crown laban kay Eric Lucas kinagabihan noong Hunyo 15, 1996.
Sa loob ng 15 minutong paglalaro para sa Barracudas ay umiskor si Jones ng 6 points bilang pointguard.
Kung irerespeto naman ng mga PBA teams ang 5’6 na si Pacquiao ay tatayo siyang playing coach ng expansion team na Kia Motors sa darating na 40th season ng PBA sa Oktubre.
Sinabi ng mga team owners ng Globalport at Rain or Shine na hindi nila haharangin ang pagiging playing coach ng 35-anyos na si Pacquiao sa pamamagitan ng hindi pagpili rito sa 2014 PBA Draft sa Agosto 24 sa Robinson’s Place sa Ermita, Manila.
Ang Batang Pier at Elasto Painters ay may tsansang kunin si Pacquiao sa draft dahil hawak nila ang first at second pick sa draft order, ayon sa pagkakasunod
Nagsumite na si Pacquiao ng kanyang aplikasyon sa draft.
- Latest