Garcia, Cruz, Borbe sinuspindi
MANILA, Philippines - Pinatawan ng mga suspension sina Letran coach Caloy Garcia, ang co-team captain Mark Cruz at refe-ree Ian Borbe matapos ang di magandanng pangyayari sa naganap na tagisan ng Letran Knights at host Jose Rizal University Heavy Bombers noong Lunes sa 90th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Matapos pag-aralan ang mga naganap, ibinaba ni league commissioner Arturo “Bai” Cristobal ang one-game suspension kay Garcia bunga ng dalawang technical fouls para mapatalsik siya sa laro habang si Cruz ay suspindido rin ng isang laro nang lusubin niya si Borbe matapos ang laban.
Mas matinding three-game suspension ang iginawad ng NCAA Commissioner’s Office kay Borbe na sa imbestigasyon ay umamin na minura si Cruz nang magkaharap.
Dahil iisa lang ang mga referees sa NCAA at UAAP, si Borbe ay hindi rin puwedeng pumito sa kabilang liga hanggang hindi natatapos ang suspension.
“We are just following the NCAA house rules concerning sanctions regarding displaying unsportsmanlike conduct and provocative gestures meant to ignite a brawl or a fight,” pahayag ni Cristobal.
Isang ‘di pa kilalang Letran fan ang ipinaba-ban din ni Cristobal sa buong season matapos batuhin si Borbe habang papalabas ng court.
Matinding warning din ang ginawa kina Knights players na sina Kevin Racal, Jamil Gabawan, Rey Publico at Rey Nambatac matapos tumawid ng court para kumprontahin ang mga game officials.
Nagpupuyos sa galit ang Letran dahil sa pakiwari nila ay hindi sila nakakuha ng patas na tawag kay Borbe na umano ay mainit na ang dugo sa kanilang koponang mula pa noong nakaraang taon.
Sisilbihan nina Garcia at Cruz ang kanilang suspension sa Hulyo 21 kalaban ang St. Benilde Blazers. (AT)
- Latest