Hindi pa rin nawawala ang tikas ng Penrith
MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang magandang ipinakikita ng local horse Penrith nang pagharian nito ang 2014 Philracom Option Race noong Linggo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Si Mark Alvarez pa rin ang hinete ng kabayong entrada ni Felizardo Sevilla Jr. at hindi naubos ang Penrith kahit sinabayan nito ang maagang paglayo ng La Furia Roja na ginabayan ni Jonathan Hernandez.
Sa 1,600-metro ang distansya ng karera at ang Penrith ay bumandera lamang pagpasok sa far turn bago napanatili ang halos isang dipang agwat sa La Furia Roja hanggang sa pagtawid sa meta.
Ang Oh Oh Seven na paborito sa apat na lahok dahil pumangalawa sa Crucis sa 3rd leg ng Philracom Imported/Local Challenge noong nakaraang buwan ay hindi nakaporma nang malagay ang kabayong hawak ni Fernando Raquel Jr. sa ikatlong puwesto mula sa alisan hanggang sa datingan.
Ang Captain Ball na ginabayan ni CJ Reyes ang pumang-apat.
Hindi pa natatalo ang limang taong colt na Penrith mula buwan ng Mayo at ang tagumpay ay nagpasok kay Sevilla ng P300,000.00 unang gantimpala mula sa P500,000.00 kabuuang premyo na inilagay ng Philracom.
Halagang P112,500.00 ang napunta sa La Furia Roja, isang anim na taong kabayo na mula sa New Zealand habang ang Oh Oh Seven na isang limang taon na Aussie colt ay may P62,500.00 at ang apat na taong local colt na Captain Ball ang nagbulsa ng P25,000.00 premyo.
Napasaya ng panalo ng Penrith ang mga dehadista dahil umabot pa sa P20.50 ang ibinigay sa win habang ang 4-2 forecast ay mayroong P348.50 dibidendo.
Nakapagpasikat din ang Cock A Doodle Doo at Huffle Puff nang manalo sa 2YO Maiden at 3YO And Above Maiden A races, ayon sa pagkakasunod.
Ang dalawang taong colt na may lahing Magnificent Hill at Prawn Queen, ay ipinagabay ngayon kay Raquel at mahusay niyang nadala ang kabayo na tumapos sa ikalimang puwesto sa idinaos na PCSO Special Maiden Race noong Hulyo 5 sa pagdiskarte ni JF Paroginog.
Nakipagsukatan ang Cock A Doodle Doo sa Karangalan at Polka Dot Bikini bago humataw sa huling 75-metro sa 1,000-metro karera upang makuha ang unang panalo at ang P10,000.00 gantimpala na ibinigay ng Philracom sa nanalong kabayo.
Pumangalawa ang Polka Dot Bikini na hawak ngayon ni Antonio Alcasid Jr. mula kay R.Tablizo habang ang Karangalan ang pumangatlo.
Naghatid ang win ng P17.00 habang ang 1-3 forecast ay may P77.50 na ipinamahagi.
Nakatikim din ng panalo ang Huffle Puff sa pagdadala ni JB Guce para maiuwi rin sa connections ang P10,000.00 added prize.
Nalagay muna ang apat na taong filly na may lahing Yes Boss at Diwata sa ikaapat na puwesto pero mahusay na ipinuwesto ni Guce ang kabayo sa balya.
Sa pagpasok ng huling kurbada ay nakasabay na ang tambalan sa nauunang Masterful Major bago humarurot sa rekta.
Nakaremate pa ang Appendectomy para masegunda sa 1,000-metro distansyang karera.
Paborito ang Huffle Puff para magpasok ng P8.50 sa win habang P16.50 ang ibinigay sa 7-1 forecast.
- Latest