Algieri tatanggap ng $1.5M sa pagsagupa kay Pacquiao
MANILA, Philippines - Sakaling maplantsa ang kanilang laban ni Manny Pacquiao ay tatanggap ang bagong world light welterweight titlist na si Chris Algieri ng premyong pinapangarap niya.
Sa kanyang panalo kay Ruslan Provodnikov para sa World Boxing Organization (WBO) light welterweight title noong Hunyo 14 ay tumanggap si Algieri ng $100,000.
Sa pagiging isang world boxing champion ay mas malaking fight purse na ang inaasahan ng 30-anyos na si Algieri.
“If we’re going to make this fight happen, I value myself and my health very highly and what I’ve been doing for the past 20 years. I just want what I deserve,” sabi ng 5-foot-10 na Italian-Argentinian fighter.
Sinasabing inalok si Algieri (20-0-0, 8 KOs) ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ng $1.5 milyon para labanan ang Filipino world eight-division champion na si Pacquiao (56-5-2, 38 KOs) sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.
Alam ni Algieri ang premyong nakukuha ng mga nakakalaban ng 35-anyos na si Pacquiao.
Sina Brandon Rios, Timothy Bradley, Jr. at Juan Manuel Marquez ay tumanggap ng mula $2 milyon hanggang $4 milyon sa pakikipagharap kay Pacquiao.
Kumita naman si Joshua Clottey ng $1.5 milyon sa kanyang kabiguan kay ‘Pacman’ noong 2010.
“With Josh Clottey, he wasn’t an undefeated world champion. I am. I got two things that are very important -- that (WBO championship) belt and a zero at the end of my record,” sabi ni Algieri.
- Latest