Kanlaon nagpasiklab
MANILA, Philippines - Nagpasiklab ang Kanlaon nang pangunahan ang class division 5 race noong Huwebes ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Naipakita ni jockey Val Dilema na kaya niyang rendahan ang kabayong pag-aari ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos matapos isantabi ang hamon ng Biseng Bise na ginabayan ni Mark Alvarez.
Ang dalawang nasabing kabayo ang siyang paborito dahil kumampanya ang mga ito sa Triple Crown at Hopeful Stakes race ayon sa pagkakasunod.
Beterano ang Kanlaon sa naunang dalawang yugto ng Triple Crown Championship at tumapos ito sa ikatlo at ikaapat na puwesto.
Si Dilema ang hinete sa pangalawang leg at ang pagkakahatid sa panalo sa kabayo ay senyales ng kahandaan sa pagsali sa ikatlo at huling yugto na gagawin sa race track na pag-aari ng Manila Jockey Club Inc. sa Hulyo 27.
Ito ang ikalawang sunod na tumapos sa ikalawang puwesto ang Biseng Bise matapos pumangalawa rin sa second leg ng Hopeful Stakes race noong nakaraang buwan.
Ang win ay nagpasok ng P6.50 habang ang 2-8 forecast ay may P10.50 dibidendo.
Napaganda ang pagtapik sa hinetang si Jonathan Hernandez para manalo ang Im Your Lady sa 3YO And Above Maiden A & B race sa 1,400-metro distansya.
Tumakbo ang Im Your Lady kasama ang coupled entry na Heat ni Dilema at ang lahok na ito ang siyang pinaboran sa karerang nilahukan ng 10 kabayo pero walo ang opisyal na bilang bunga ng pagkakaroon ng dalawang coupled entries.
Si Hernandez ang ikatlong hinete ng nanalong kabayo at sa kanya nakuha ng Im Your Lady ang kauna-unahang panalo matapos ang tatlong takbo.
Ang Papa Loves Mambo ni RO Niu Jr. ang pumangalawa sa datingan para mahigitan din ng tambalan ang 12th puwestong pagtatapos noong Enero 23.
Naibulsa ng connections ng Im Your Lady ang P10,000.00 gantimpala na ibinigay ng Philippine Racing Commission (Philracom) sa nanalo lamang sa karera.
Tumipak ang mga nanalig sa husay ng nagwaging kabayo ng P10.50 sa win habang nasa P29.50 ang inabot sa 6-4 forecast.
Lumabas bilang pinakadehadong kabayo na nanalo ay ang Power Factor ni CS Pare Jr. sa isang class division 5 na pinaglabanan sa 1,300-metro distansya.
Galing sa barrier race ang Power Factor pero hindi nawala ang magandang porma na naipakita ng kabayo nang naipanalo ang huling dalawang takbo noong Mayo matapos kunin ang pangunguna sa karera.
Naghatid ng P53.50 ang win ng Power Factor habang ang pagsegunda ng Queen Quaker para sa 6-4 forecast ay mayroong P328.00 dibidendo.
Lilipat ngayon ang pista sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite para sa dalawang sunod na karera.
Tampok na kaganapan ay ang Option race sa Linggo na lalahukan ng mga edad tatlong taon gulang pataas na mga kabayo.
Sa 1,600-metro paglalabanan ang karera at ito ay sinahugan ng P500,000.00 premyo.
Ginawa ito ng Philracom matapos kanselahin ang dapat ay 4th leg ng Imported/Local Challenge Stakes race dahil sa kalulangan ng mga tatakbo. (AT)
- Latest