5-sunod na panalo sa kabayong Crusis
MANILA, Philippines - Lumawig pa sa limang sunod ang pagpapanalo ng imported horse na Crucis nang magwagi ito sa nilahukang karera noong Martes sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Walang epekto ang 58 kilos handicap weight na ipinataw sa nasabing kabayo nang magdikta ito mula sa simula hanggang sa natapos ang 1,400-metro karera.
Si Jeff Zarate pa rin ang sakay ng kabayo na galing sa pangunguna sa 3rd leg ng Philracom Imported/Local Challenge Race noong nakaraang buwan at maganda pa rin ang kondisyon ng kabayo sa karerang nilahukan ng pitong kabayo pero anim ang opisyal na bilang.
Umarangkada agad ang Crucis sa pagbukas ng aparato pero nakasunod ang Bentley at coupled entries na Cat’s Silver at El Libertador.
Nanatili ang puwesto ng apat na kabayong ito hanggang sapitin ang far turn nang mawala ang Cat’s Silver at pumalit ang Excelsia.
Pero mainit na ang Crucis at sa rekta ay inunti-unti ang paglayo tungo sa halos dalawang dipang panalo sa Bentley sa pagdadala ni Dominador Borbe Jr.
Pumangatlo ang El Libertador na ginabayan ni AR Villegas bago tumawid ang Excelsia sa pagdadala ni Mark Alvarez.
Balik-taya ang ibinigay sa win habang ang 1-6 forecast ay may P29.00 dibidendo.
Nagpatuloy din ang magandang takbo ng Magatto para makapanilat at makapaghatid ng saya sa mga dehadista sa unang gabi sa pista sa ikatlong race track sa bansa.
Naunang nalagay ang kabayong sakay ni Kevin Abobo sa malayong ikaapat na puwesto sa alisan habang nagbakbakan sa unahan ang Sharp Shooter ni JB Hernandez at My Keys ni Zarate.
Napagtiyagaan ni Abobo na mapag-init ang Magatto para kunin ang pangalawang puwesto papasok sa rekta.
Mula sa labas ay hindi na napigil pa ang pagragasa ng di napaborang kabayo at sa huling 50-metro ng 1,400-metro karera ay nakaabante na tungo sa panalo.
Huling nanalo ang Magatto noong Hunyo 25 sa San Lazaro ngunit di napansin dahil sa mga bigating katunggali.
Pumalo sa P110.00 ang ibinigay sa win habang P253.50 ang inabot ng 6-9 forecast.
Ang kabiguan ni Hernandez na naunang ginabayan sa tagumpay ang kabayong A Toy For Us sa race 5, ay nagtulak kay Zarate na pinakamainit na hinete sa gabi nang magkaroon ng dalawang panalo.
Bago ang Crucis ay naipanalo muna ni Zarate ang napaborang Toscana sa race two na isang handicap race four at inilagay sa 1,200-metro distansya. (AT)
- Latest