Bedans pinasadsad ang Lyceum
MANILA, Philippines - Napantayan ni Anthony Semerad ang kanyang career-high na 20 puntos habang ang bench ay gumana rin para ibigay sa four-time defending champion San Beda Red Lions ang 84-68 panalo sa Lyceum Pirates sa 90th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Hindi nakasama ng Lions si Arthur dela Cruz na nasuspindi nang iakyat ang naunang itinawag na flagrant foul tungo sa disqualifying foul laban kay Jeson Cantos kontra sa Mapua Cardinals habang nasa foul-trouble si Ola Adeogun.
Pero nakapagdomina pa rin ang tropa ni coach Boyet Fernandez dahil bukod kay Semerad na may walong rebounds pa ay gumana rin ang starters na sina Baser Amer at Kyle Pascual sa 12 at 10 puntos at ang mga bench players sa pangunguna nina Jaypee Mendoza at Ranbill Tongco ay naghatid pa ng 26 kabuuang puntos.
“Credit to the bench because they played big for this game,” wika ni Fernandez na sinolo uli ang lide-rato sa 10-koponang liga.
Tinapos ng Letran Knights ang dalawang dikit na pagkatalo sa 79-67 panalo laban sa Mapua Cardinals sa ikalawang laro.
May 24 puntos na sinangkapan ng 12-of-14 shooting sa free throw line si Kevin Racal na nakipagtambalan kay Mark Cruz para ikasa ang pinakamalaking kalamangan sa laro na 21 puntos, 59-38.
Si Cruz ang nagpasimula sa pagkalas ng Letran sa first half, 42-30, matapos maghatid ng 17 puntos. Tumapos ang 5’7” guard taglay ang 23 puntos.
Bumaba ang Pirates sa 1-2 karta at sila ay nakitaan ng magandang panimula matapos hawakan ang 18-14 kalamangan sa pagsasara ng first period.
Pero gumana na ang laro ng Lions sa ikalawang yugto na kanilang dinomina 17-9, bago umatungal pa sa ikatlong yugto para palawigin ang kalamangan sa 53-43. (AT)
- Latest