Netherlands lusot sa Mexico
BRAZIL – Naging mas madrama pa ang World Cup matapos umiskor ang Netherlands ng dalawang goals para gibain ang Mexico, 2-1, habang pinatalsik ng 10-man Costa Rica ang Greece sa pamamagitan ng penalties.
Muling nalagay si Dutch forward Arjen Robben sa gitna ng isa na namang diving controversy matapos ipanalo ang isang injury-time penalty na naikonekta ni Klaas-Jan Huntelaar para ipalasap sa Mexico ang ikaanim na sunod nitong pagkakasibak sa second round sa World Cup.
Nauna nang ibinigay ni Giovani Dos Santos sa Mexico ang abante sa se-cond half.
Ang nasabing goal ni Dos Santos ay ipinagdiwang ni coach Miguel Herrera, ang nakatutuwang mga kilos sa touchline ay naghirang sa kanya bilang cult figure.
Naitabla ni Wesley Sneijer ang Netherlands sa huling dalawang minuto patungo sa stoppage time.
Kinuha naman ng Costa Rica ang bentahe sa second half sa likod ni Bryan Ruiz hanggang makapuwersa si Sokratis Papasthathopoulos ng Greece ng extra time.
Nauwi sa 1-1 draw, tinalo ng Costa Rica ang Greece, 5-3, sa penalties para maging unang CONCACAF quarterfinalists matapos ang United States noong 2002.
Makakalaban nila ang mga Dutch sa Sabado sa Salvador.
Nakaapekto sa Dutch match ang mainit na panahon na pumalo sa 32 Celsius na nagresulta sa unang official water breaks ng torneo.
Muling hahataw ang round of 16 sa paghaharap ng Europe at Africa, habang magtatapat ang France at Nigeria at lalabanan ng Germany ang Algeria sa rematch ng kanilang 1982 World Cup meeting.
- Latest