MVP Group, Lina Group nagkaayos na NLEX na ang Air21
MANILA, Philippines - Tuluyan nang naselyuhan ang bentahan ng Air21 ng Lina Group sa Metro Pacific Investments Inc. na grupo ni Manny V. Pangilinan kahapon.
Ang NLEX Road Warriors, kakatawan sa MPIC, ang magiging pangatlong koponan ng MVP Group sa Philippine Basketball Association bukod pa sa Talk ‘N Text Tropang Texters at Meralco Bolts.
Sa pagbili ng MPIC-NLEX sa prangkisa ng Air21, tanging ang mga expansion teams na Blackwater at Kia Motors ang pipili sa darating na dispersal draft.
Halos P100 milyon ang sinasabing naging halaga ng prangkisa ng Express.
Nalipat din sa NLEX ang coaching staff ng Air21 sa pamumuno ni head coach Franz Puma-ren at ang 15 players na kinabibilangan nina Asi Taulava, Mac Cardona at Sean Anthony.
Ang Road Warriors ay giniyahan ni Boyet Fernandez sa PBA D-League, ngunit hindi pa tiyak kung siya rin ang uupo sa bench ng NLEX sa PBA.
Sinasabi namang ililipat ni Pangilinan si Meralco assistant coach Jong Uichico sa NLEX, samantalang si Puma-ren ay tinatarget ng San Miguel Beer para palitan si Biboy Ravanes.
Bago naman ang bentahan ay nakipagkasundo na ang Air21 sa Barangay Ginebra para sa pagdadala kay Joseph Yeo sa Gin Kings kapalit ng isang future draft pick.
Si Yeo ay dating nag-laro para sa Beermen.
- Latest