Pinoy Athletes tutulungan ng IOC para sa 2016 Olympics
MANILA, Philippines - Mas maganda ang tsansa ng mga atleta ng Pilipinas na makapasok sa 2016 Rio de Janeiro Olympics.
Ito ay dahil sa pagtulong ng International Olympic Committee (IOC) gamit ang Solidarity Program para makapagsanay ang mga atleta sa gaganaping mga Olympic Qualifying events.
“Gusto ng IOC na mas maraming atleta mula sa iba’t-ibang bansa ang makasali sa Rio de Janeiro Olympics kaya sa unang pagkakataon ay tutulong sila sa pagsasanay ng mga atleta na isasali sa mga Olympic qualifying events. Bukod sa training, magbibigay din sila ng financial support para sa pamasahe at allowances ng mga atleta sa pagsali sa mga qualifying events,†wika ni POC 1st Vice President Joey Romasanta sa pagbisita sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon.
Idinagdag pa ni Romasanta na itinakda ng IOC ang petsang Hunyo 1 bilang deadline sa first batch ng mga atleta at ang Pilipinas ay nagbigay na ng mga pangalan sa sport ng boxing, taekwondo at shooting.
Magkakaroon pa ng pangalawang deadline sa Enero 1, 2015 para makapagnombra ang ibang NSAs na ang sport ay nilalaro sa Olympics.
Kasama niyang duma-lo sa Forum sina POC treasurer Julian Camacho at board member at Youth Olympic Games (YOG) Chief of Mission Jonne Go at inihayag ng huli na walo pa lamang ang opisyal na manlalaro na pasok na sa YOG na gagawin sa Nanjing, China mula Agosto 16 hanggang 28.
Ang mga pasok sa delegasyon at tatanggap na rin ng $500 monthly allowance mula sa IOC Solidarity Program ay sina Kobe Paras, John Paul Cauilan, Armando Emmanuel San Juan II at Manuel Mosqueda sa 3-on-3 basketball, Luis Gabriel Moreno at Bianca Gotuaco ng archery, Vicky Deldio ng triathlon at Ana Verdeflor ng gymnastics.
Hinihintay pa ang official communication mula sa FINA para sa swimmer na si Roxanne Yu at nakabitin pa ang pagsali ni shooter Amparo Acuña. (AT)
- Latest