Pakiusap ni So
Pumutok ang balitang iiwan na ni Grand Masters Wesley So ang Pilipinas para pursigihin ang kanyang pangarap para maging world champion sa pamamagitan ng paglalaro para sa United States.
Idinahilan niyang lilipat na ang kanyang pamilya sa US kaya praktikal lamang na lumipat na rin siya doon.
Bukod pa rito, magkakaroon siya ng oportunidad ng pag-ibayuhin ang kaalaman niya sa chess, kumita ng mas malaki at makasali sa mga top level tournaments.
Ang totoo, noong nakaraang taon pa nag-request si So ng kanyang paglipat ng pederasyon sa National Chess Federation of the Philippines na pinamumunuan ni Butch Pichay.
Ngunit hindi ibinibigay ni Pichay ang kanyang basbas sa pakiusap ni So at parang dedma pa rin siya ngayon.
Dahil dito, kailangang magbayad ni So ng 50,000 ero fees sa NCFP base sa alituntunin ng FIDE, halagang hindi kayang ibigay ni So.
Kung patuloy siyang ire-reject ng NCFP, mao-obliga si So na maghintay ng dalawang taon kung saan hindi siya puwedeng sumali sa mga FIDE tournaments para makalipat ng pederasyon.
Sinimulan niya noong 2013 ang di paglalaro para sa Pilipinas nang hindi sumama sa SEA Games sa Myanmar.
Dahil sa two-year waiting period rule ng FIDE, hindi siya, makakasali sa World Rapid and Blitz Championships sa Dubai sa susunod na linggo at sa chess Olympiad sa Norway.
Hindi na mapipigilan si So sa pag-alis niya ng Pinas. Desidido na talaga siyang lumipat.
Pangit naman siguro na parang iniipit pa siya sa kanyang mga plano.
- Latest