Dispersal draft para sa 3 bagong teams
MANILA, Philippines - Magsasagawa ang PBA ng isang dispersal draft para sa dalawa o tatlong expansion teams na sasali sa pro league sa susunod na season at halos 24 hanggang 34 veterans ang malalagay sa listahan ng mga “signables†depende kung magdedesis-yon ang Board of Governors ng protect 12 o 13 guideline.
Sinabi ni PBA media bureau chief Willie Marcial na hindi pa nagdedesisyon ang PBA Board kung ilang player ang poprotektahan sa bawat roster sa draft.
Ito ay posibleng nasa 12 o 13.
Sa kasalukuyan, ang bawat koponan ay pinapayagang gumamit ng 14 players sa isang laro, hindi kasama dito ang import, habang ang dalawa ay nasa injured reserve list.
Ang mga koponan na may 16 players ay ang Barako Bull, Globalport, Meralco, San Mig Coffee at Talk ‘N’ Text.
Ang Air21, Alaska, Barangay Ginebra at Rain Or Shine ay may 15, habang may 14 naman ang San Miguel Beer.
Ang mga players na nasa injured reserve list ay may kontrata at ikinukunsiderang free agents.
Kabilang sa mga nasa injured reserve list ay sina Wynne Arboleda at Sean Anthony of Air21, Dorian Pena ng Barako Bull, Kelly Nabong at Mark Yee ng Globalport, Eddie Laure ng Alaska, James Forrester ng Ginebra, A. J. Mandani at Paul Artadi ng Meralco, J. R. Quiñahan ng Rain Or Shine, Lester Alvarez at Val Acuna ng San Mig Coffee at Eric Salamat at Robby Celiz ng Talk ‘N’ Text.
Ang player na nasa injured reserve list ay maaaring paglaruin para sa isang player na inalis sa 14-man lineup.
Ang mga players na may kontrata ay maaaring ikunsiderang unrestricted free agents dahil ang kanilang koponan ay may 16-man limit.
Kasama dito sina Magi Sison, Roger Yap at Woody Co ng Barako Bull, Leo Avenido at RenRen Ritualo ng Alaska, Bitoy Omolon ng Meralco at Jimbo Aquino at John Ferriols ng Talk ‘N’ Text.
Kung magdedesisyon ang PBA Board sa isang protect 12 rule, magkakaroon ng 34 players sa dispersal pool.
Sakaling pumayag ang PBA Board sa isang protect 13 rule, may 24 players naman sa dispersal draft.
Kinumpirma ni Marcial na ang mga bagong prangkisang Columbian Autocar Corp. para sa Kia Motors at Ever Bilena para sa Blackwater ay lalahok sa dispersal draft.
Sumailalim na ang mga kinatawan nito sa orientation seminars sa PBA office sa Libis.
- Latest