Kobe Paras kasama sa 3x3 PH team
MANILA, Philippines - Kakatawanin ni Kobe Paras, anak ni dating PBA Rookie of the Year at MVP winner Benjie Paras, ang bansa sa 3x3 basketball event ng Second Youth Olympic Games na nakatakda sa Agosto 16-28 sa Nanjing, China.
Napabilang ang 6-foot-6 na si Paras, sa Nanjing-bound team matapos niyang igiya ang Phl team sa korona ng FIBA 3x3 Under-18 World Championship sa Jakarta, Indonesia at pagharian ang slam dunk event noong nakaraang taon.
Ang problema lamang ng 16-anyos na si Paras ay lagpas na sa age limit ang kanyang mga kakamping sina Thirdy Ravena, Arvin Tolentino at Prince Rivero.
Si Paras ay kasalukuyang nag-aaral sa United States.
Magdaraos ang Samahang Basketbol ng Pilipinas ng qualification tournaments para sa tatlong bagong magiging kakampi ni Paras sa koponan.
Ilan sa mga ikinukunsidera ay sina Dino San Juan ng La Salle-Greenhills, JP Cauilan at Chino Mosqueda ng National University.
Nangangailangan pa sila ng qualification points para mapabilang sa koponan, ayon kay SBP administrator Joemar Benedicto.
- Latest