Super Charge nangunguna sa palakihan ng premyo
MANILA, Philippines - Kumabig pa ang kabayong Super Charge ng dalawang panalo at isang segundo puwesto sa buwan ng Abril para kunin ang liderato sa palakihan ng premyong napanalunan sa hanay ng mga pangarerang kabayo.
Sinabayan pa ng pamamahinga ng dating nasa itaas ng talaan na Hari Ng Yambo, ang Super Charge ngayon ang pinalad na makakuha sa nasabing puwesto nang iangat ang kabuuang prem-yo na nakuha sa walong panalo at anim na segundo na P1,396,641.20.
Masusukat ang tibay ng Super Charge dahil ang Golden Rule na dating nasa ikatlong puwesto ay kapos lamang ng mahigit limang libo para sa ikalawang puwesto.
Sa naitalang 9 panalo, 3 segundo at tig-isang tersero at kuwarto puwesto, ang Golden Rule ay may kabuuang P1,390,859.57 premyo.
Apat pang kabayo ang may naiuwi na mahigit P1 milyong piso kita matapos ang unang apat na buwan.
Ang Airway na may walong panalo at tig-tatlong segundo at tersero puwestong pagtatapos, ay kumabig na ng P1,287,408.79 premyo para sa ikalong puwesto habang ang Karapatan ang nasa ikaapat bitbit ang P1,255,241.76 matapos ang siyam na panalo at ang Raon ang nasa ikalimang puwesto sa P1,148,701.91 sa 6-5-1-1 karta.
Nasa ikaanim na puwesto ngayon ang nagpahingang Hari Ng Yambo sa P1,132,722.91 sa tatlong panalo at isang segundo habang ang Foreign Minister ang ikapitong kabayo na may milyones na kinita na sa P1,097,096.80 matapos ang walong panalo.
Ang Work Of Heart ang nasa ikasiyam na puwesto sa P997,652.86 (5-5-1-3), bago sinundan ng Panamao King sa P984,404.63 (5-3-4-2) at Armoury sa P947,674.24 (6-1-0-1).
Tiyak na magkakaroon ng pagbabago ang talaan matapos ang buwan ng Mayo dahil papasok sa talaan bitbit ang mahigit na isang milyong kita ang Kid Molave at Malaya.
Ang Kid Molave ang siyang kinilala bilang kampeon sa 1st leg ng Triple Crown at nagkahalaga ang panalo ng P1.8 milyon habang ang Malaya ang nangibabaw sa 1st leg ng Hopeful Stakes race para sa P1 milyong gantimpala.
Ang dalawang kabayo ay wala pa sa talaan sa buwan ng Abril sa hanay ng top 50 kabayo.
- Latest