Iba-ka talaga!
OKLAHOMA CITY -- Tumuro sa langit si Serge Ibaka na pinupuri at pinapalakpakan ng mga fans ilang sandali bago lumabas para maglaro na hindi niya alam na mangyayari matapos magkaroon ng injury.
Umiskor siya ng 15 points sa kanyang dramatikong pagbabalik mula sa iniisip ng marami na season-ending left calf strain, para tulungan ang Oklahoma City Thunder na igupo ang San Antonio Spurs, 106-97 nitong Linggo ng gabi sa Game 3 ng Western Conference finals.
Lumaro bilang starter si Ibaka matapos magpahinga sa unang dalawang laro ng series. Nauna nang sinabi ng Thunder na hindi na siya makakalaro sa kabuuan ng playoffs, ngunit nagbago ito noong Biyernes.
Ang kanyang presensiya ay nakatulong sa Thunder na magdomina para makalapit sa series sa 2-1.
Inilabas ni Oklahoma City coach Scott Brooks si Ibaka may 3:17 minuto ang natitira at lamang ang Thunder ng 20.
“When you talk about a teammate, that’s everything you want in a teammate,’’ sabi ni Thunder forward Kevin Durant. “I gained so much more respect for Serge for sacrificing himself for the team. Regardless of what happened tonight, that’s something you want beside you.’’
Nagpasok si Ibaka ng anim sa pitong tira at na-ging ‘threat’ siya sa kalaban na nakatulong kina Durant at Russell Westbrook. Si Westbrook ay may 26 points, eight rebounds at seven assists habang nagdagdag si Durant ng 25 points at 10 rebounds.
Sa defense, naramdaman ng husto si Ibaka dahil epektibo niyang napigilan ang mga tumitirang kalaban at mayroon itong seven rebounds, four blocks at ‘di maubos na energy.
“Serge has put so much work in throughout the season that missing a couple of days didn’t hurt him,’’ ani Westbrook. “Tonight, he jumped right back into where he was.’’
Umiskor si Manu Ginobili ng 23 points at nagdagdag si Tim Duncan ng 16 points at eight rebounds para sa Spurs.
Ang Game 4 ay nitong Martes ng gabi sa Oklahoma City.
- Latest