NU pasok sa finals
MANILA, Philippines - Mas mabangis ang ipinakitang laro ng nagdedepensang kampeon National University Lady Bulldogs upang angkinin na ang isang puwesto sa Finals sa 25-21, 25-22, 25-19 straight sets panalo sa UST Tigresses sa Shakey’s V-League Season 11 First Conference semifinals kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Maghihintay pa naman ng makakalaban ang Lady Bulldogs dahil naitabla ng FEU Lady Tamaraws ang best-of-three series nila ng Adamson Lady Falcons gamit ang 25-22, 25-23, 26-24 tagumpay sa ikalawang laro.
Pinagtibay ng FEU ang kanilang depensa sa kinuhang 10-5 kalamangan sa Adamson sa blocks upang suportahan ang malakas ding pag-atake para manatiling buhay ang hangaring titulo sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Si Bernadette Pons ay may 16 puntos, kasama ang tatlong blocks at tatlong service aces habang ang mga guest players na sina Rachelle Ann Daquis at Jovelyn Gonzaga ay naghatid pa ng 15 at 14 puntos at nagsama sa 26 kills.
May 11 digs pa si Gonzaga habang si Yna Louise Papa ay may 37 excellent sets para maipaghiganti ang masaklap na five-sets pagkatalo sa unang laro na kung saan hinawakan ng FEU ang 2-0 kalamangan bago bumigay sa sumunod na tatlong sets.
Tig-14 puntos ang ginawa nina Dindin at Jaja Santiago habang may12 pa si Carmin Aganon para pangunahan ang panga-ngagat ng Lady Bulldogs tungo sa 2-0 sweep sa Tigresses sa ligang may suporta pa ng Mikasa, Accel at Lion Tiger Mosquito Coil.
Ipinakita ng tropa ni coach Ariel Dela Cruz ang masidhing pagnanasa na maidepensa ang kampeonato nang dominahin ang UST sa lahat ng aspeto ng laro matapos hawakan ang 42-31 kalamangan sa attacks, 11-5 sa blocks at 8-5 sa serve.
“Sinasabi ko lagi sa kanila na ang depensa namin ang magpapanalo sa amin at nagpapasalamat ako at nakinig sila,†wika ni Dela Cruz. (AT)
- Latest