Uminit ang labanan para sa semis slot
MANILA, Philippines - Magkaibang kapalaran ang sinapit ng Jumbo Plastic Giants at Cebuana Lhuillier Gems upang uminit pa ang tagisan para sa awtomatikong puwesto patungong semifinals sa PBA D-League Foundation Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
May 15 puntos, kasama ang tatlong tres si Jeff Viernes habang may 12 puntos at 10 rebounds si Jason Ballesteros para sa Giants na sumandal sa malakas na paglalaro sa gitnang quarters tungo sa 71-56 paglampaso sa Boracay Rum Waves.
Gumawa ang Giants ng 20 at 22 puntos sa ikalawa at ikatlong yugto upang ang naunang 12-11 iskor sa first period ay naging 54-41 matapos ang tatlong yugto para kunin ang ikalimang panalo matapos ang pitong laro.
Nakita ng Giants ang sarili na kasalo uli sa ika-lawang puwesto nang masilat ng Hog’s Breath Café Razorbacks ang Cebuana Lhuillier Gems, 85-72 sa ikalawang laro.
Lumabas ang talim ng laro ng Razorbacks sa ikatlong yugto nang hawakan ang 29-12 palitan upang ang tatlong puntos na kalamangan sa halftime ay lumobo sa 20 puntos, 72-52 at wakasan ang limang sunod na tagum-pay ng Gems.
Sa format ng liga, ang mangungunang dalawang koponan ang aabante na sa semifinals at ang tatlong susunod ay mapapalaban sa quarterfinals.
Halos selyado na ng NLEX Road Warriors ang unang puwesto sa 7-0 baraha upang maiwan ang Giants at Gems na paglabanan ang ikalawang insentibo.
Ang panalo ng Hog’s Breath ay ikalawa lamang sa pitong laro pero may katiting na tsansa pa sila na makahabol sa susunod na round kung maipanalo ang nalalabing dalawang asignatura. (AT)
- Latest