Phl delegation para sa Asiad lumaki
MANILA, Philippines - Binuksan ng Task Force Asian Games ang pintuan sa mga atleta na hindi nakapasa sa criteria na una nilang inilabas para sa ipadadalang delegasyon sa Asian Games sa Incheon, Korea.
Sa pulong pambalitaan kahapon na ipinatawag ni PSC chairman at Asian Games Chief of Mission Ricardo Garcia, sinabi niyang ang mga gold medalists sa 2013 Myanmar SEA Games at iba pang atleta na may potential ay tutulak na rin sa Incheon Games bilang parte ng preparasyon para sa 2015 SEA Games sa Singapore.
“If we are going to be strict with the criteria, we will be sending 60 to 70 athletes. But the next SEA Games is going to be held eight months after the Asian Games. So we piggy back in the Asian Games for the next SEA Games and make the event as part of their preparation,†wika ni Garcia.
Ang criteria na ipinasa ng TF ay dapat na ang atleta o koponan ng bansa ay nasa top five kung ikukumpara sa Asian countries sa isang Asian event.
May 133 atleta mula sa 26 sports na sasalihan ng Pilipinas sa Asian Games ang pasok na sa national pool pero marami pa ang naghahabol na masama dahil hanggang Agosto 15 pa ang pinal na araw para makahabol sa delegasyon.
Ang deadline para sa list of accreditation sa mga sasaling bansa ng Asian Games Organizing Committee ay itinakda ngayong araw at ang Pilipinas ay magpapadala ng 360 pangalan.
Umabot sa ganito ang bilang dahil kasama na rito ang mga atletang naghahabol ng puwesto at mga extra officials tulad ng mga bisita na nais na tumungo at suportahan ang kampanya ng Pilipinas.
Nakikita ni Garcia na hindi lalampas sa 200 ang magiging opisyal na talaan ng delegasyon na maghahangad na lampasan ang tatlong ginto, apat na pilak at siyam na gintong medalya na nakuha noong 2010 sa Guanzhou China.
Ang natatanging Asian BMX cyclist na nakapasok sa 2012 London Olympics na si Daniel Caluag ang siyang pangunahing atleta ng bansa na patok sa ginto habang ang boxing, taekwondo, wushu at basketball ay puwede ring magbigay ng karangalan sa bansa.
May laban din sa medalya ang Pilipinas sa archery, bowling, rugby, softball at weightlifting habang ang ibang sports na lalaruan ng bansa ay athle-tics, swimming, wrestling, gymnastics, soft tennis, rowing, fencing, judo, canoe kayak, shooting, tennis, triathlon, equestrian, karatedo, sailing at golf.
Ang Asian Games ay gagawin mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 4 at ito ay katatampukan ng 36 sports. (AT)
- Latest