Davao Lady Agilas nakabawi
MANILA, Philippines - Hindi hinayaan ng bisitang Davao Lady Agilas na lumasap sila ng ikalawang dikit na pagkatalo nang daigin ang hamon ng multi-titled San Sebastian Lady Stags, 25-18, 25-22, 25-23 sa pagtatapos kahapon ng Shakey’s V-League Season 11 First Conference sa The Arena sa San Juan City.
Sina May Agton at Venus Flores ay gumawa ng tig-15 puntos at si Jocemer Tapic ay mayroong 10 para sa Lady Agilas na tinapos ang Group B tangan ang 4-1 karta.
Si Flores ay mayroong 13 kills, si Tapic ay may dalawang blocks at dalawang aces at si Angel Mae Antipuesto ay may tatlong butata. Si Gretchel Soltones ay mayroong 10 attack points ngunit si Czarina Berbano lamang ang kanyang nakatuwang sa ibinigay na 9 puntos.
Ito ang ikaapat na pagkatalo sa limang laro ng Lady Stags upang ma-bigo sa hangaring makahirit ng playoff sa pahingang FEU Lady Tamaraws at mamaalam na sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Tinapos ng UST Lady Tigresses ang malakas na pagbangon matapos matalo sa unang laro sa pamamagitan ng 25-15, 25-17, 25-17, straight sets panalo sa pahinga ng Perpetual Help Lady Altas sa ikalawang laro.
May 11 at 10 puntos sina Ennajie Laure at Pamela Lastimosa para sa Lady Tigresses upang magkaroon ng three-way tie sa unang puwesto sa grupo sa 4-1 kasama ang nagdedepensang kampeon National University Lady Bulldogs.
Ang magandang ipinakita ng UST ay nabiyayaan dahil sila ang lumabas bilang number one sa grupo.
Ang quarterfinals ay sisimulan bukas at magkakasama sa Group I ang Ateneo, Lady Tigresses, Adamson at Davao Lady Agilas habang ang Arellano, Lady Bulldogs, St. Benilde at Lady Tamaraws ang nasa isang grupo. (AT)
- Latest