Lakas ng Crusis nakita uli
MANILA, Philippines - Nakita uli ang lakas ng imported horse na Crusis nang dominahin ang sinalihang Special Handicap Race na pinaglabanan noong Linggo sa Metro Turf sa Malvar, Batangas.
Si Jonathan Hernandez ang pinagdiskarte sa kabayong hinirang bilang pinakamahusay na imported horse noong nakaraang taon at nakuha ng tambalan ang ikalawang dikit na panalo sa ganitong karerang nilahukan sa taong 2014.
Sa maigsing 1,200-metro ang karera at agad na isinunod ni Hernandez ang kabayo sa naunang umagwat na Ian’s Bet habang humabol din agad ang El Libertador at Hyena.
Sa likod ay kinuha na ng Hyena sa pagdadala ni JD Juco ang liderato habang nakontentong sumunod lamang ang Crucis at El Libertador.
Pagpasok sa kalagitnaan ng karera ay pinahataw na ni Hernandez ang Crucis para kunin na ang liderato papasok sa rekta.
Lalo pang bumilis ang takbo ng Crucis tungo sa apat na dipang layo na panalo sa Hyena.
Ang El Libertador ay naubos at tumawid lamang sa ikalimang puwesto.
Tulad ng inaasahan ay patok ang Crucis habang second choice ang Hyena upang magkaroon ng P13.00 ang 4-1 kombinasyon habang balik-taya ang ibinigay sa win (P5.00)
Nakapanilat naman ang mga kabayong Winter’s Tale at Dear Ashley nang manalo sa Philracom Summer Racing Festival at maibulsa ang P25,000.00 gantimpala na ibinigay ng Philippine Racing Commission (Philracom).
Hindi naawat ang malakas na pagdating ng Winter’s Tale ni CB Tamano para maagaw ang inakalang tagumpay na ng kabayong Malaya ni Hernandez.
Siyam na kabayo ang nagsukatan sa 1,000-metro distansya at malakas ang panimula ng Joeymeiste, Handsome Prince at Matang Tubig.
Pero unti-unting umayaw ang nasabing mga kabayo at sa likuran ay mainit na ang Malaya.
Umangat pa ang Malaya sa huling 75-metro ng karera ngunit biglang humarurot ang Winter’s Tale para mametahan ang kinapos na katunggali.
Bumangon ang Dear Ashley mula sa pagkakalagay sa pangalawa sa bugaw at nanalo pa sa Oh My Rairai sa 1,400-metro karera.
Mahusay ang pagkakagamit ni JPA Guce ng latigo para mapag-init ang sakay tungo sa panalo.
Ang win ng Dear Ashley ay naghatid ng P39.50 sa win habang ang 9-6 forecast ay may magandang P1,622.50 habang ang Winter’s Tale ang lumabas bilang pinakadehadong kabayo na nanalo sa araw na ito dahil P50.50 ang dibidendo sa win.
Nasa 291.50 ang ipinigay sa 2-3 forecast.
- Latest