Perpetual iiwas sa peligro
MANILA, Philippines - Iiwas ang NCAA champion Perpetual Help Lady Altas na malagay agad sa peligro ang kampanya sa Shakey’s V-League Season 11 First Conference sa pagbangga sa San Sebastian Lady Stags ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Naunsiyami ang hanap na malakas na pani-mula ng Lady Altas sa ligang inorganisa ng Sports Vision at may ayuda ng Shakey’s nang daigin sa tatlong sunod na sets ng nagdedepensang kam-peong National University, 25-20, 25-14, 25-15.
Ikalawang laro dakong alas-4 gagawin ang tagisan at dapat maghanda ang Perpetual sa mala-kas na laro na manggagaling sa Lady Stags dahil balak nilang bumangon matapos ang pagkatalo sa unang laro sa FEU, 25-21, 20-25, 25-11, 25-20.
Ang dalawang ma-ngungulelat sa anim na naglalaban sa bawat grupo sa ligang may suporta pa ng Accel, Mikasa at Akari ay mamamaalam matapos ang single round group elimination.
Hindi tiyak kung makakalaro sa Lady Stags ang power hitter na si Gretchel Soltones dahil natapilok ito sa unang laban kaya ang opensa ay ipagkakatiwala kina Maruja Banaticla, Czarina Berbano at Ryzabelle Devanadera.
Sina Honey Royse Tubino at Norie Jane Diaz ang magdadala sa Lady Altas pero makakatulong kung gagana ang laro ng guest player na si Shallane Eniong na may dalawang puntos lamang sa unang asignatura.
Pagsisikapan ng Southwestern University Lady Cobras na makuha ang ikalawang panalo sa pagsukat sa nagbabalik sa liga na St. Benilde sa ganap na ika-2 ng hapon.
Matapos ang five-setter panalo sa St. Louis University ay hindi kinaya ng CESAFI champion ang husay ng Arellano Lady Chiefs para maisuko ang 25-15, 25-17, 25-19 pagkatalo.
Kailangang manumbalik ang galing nina Marlyn Llagoso, Lutgarda Malaluan at Neresa Villanueva para kapitan ng Lady Cobras ang ikalawang puwesto sa Group A.
Sina Theresa Veronas, Jannine Navarro at mga guest players Rossan Fajardo at Iumi Yongco ang siyang kakamada para sa Lady Blazers na huling sumali sa liga noon pang 2010.
- Latest