Labanan ng matitikas na kabayo sa Philracom Commissioner’s Cup
MANILA, Philippines - Labanan ng mga matitikas na kabayo ang matutunghayan sa Philracom Commissioner’s Cup sa Marso 30 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Ang karerang ito na paglalabanan sa 1,800-metro ay iaalay kay dating commissioner James Erving L. Paman at sinahugan ito ng P1.2 milyong gantimpala ng Komisyon.
Ang nominasyon ng mga kalahok ay ginawa noong Lunes at nangunguna sa tatakbo ay ang back-to-back Horse of the Year awardee na Hagdang Bato na pag-aari ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos.
Mangunguna sa makakaribal ng Hagdang Bato ay ang Pugad Lawin na bumigo sa hangarin nitong pagharian ang 2013 Presidential Gold Cup.
Nagpatala rin ang Tensile Strength, Boss Jaden, Spinning Ridge, Leonor at Be Humble.
Masasabing kondisyon na kondisyon ang Tensile Strength matapos magtala ng panalo at segundo puwestong pagtatapos sa unang dalawang yugto ng Philracom Imported/Local Challenge Race.
Ang Spinning Ridge ay double leg winner ng 2013 Triple Crown Championship habang ang Boss Jaden, Be Humble at Leonor ay mga naging stakes winners din noong nakaraang taon.
Apat na stakes races ang pinanalunan ng Hagdang Bato para lumabas pa rin bilang winningest horse ng 2013 sa P5,550.004.00 premyo. (AT)
- Latest