Durant, Ibaka binitbit ang Oklahoma
CLEVELAND - Nagtala si Kevin Durant ng 35 points at nagdagdag ng 16 si Serge Ibaka para pagbidahan ang Oklahoma City Thunder sa 102-95 panalo laban sa Cleveland Cavaliers.
Nauna nang naimintis ni Durant ang lima sa una niyang anim na tirada bago makuha ang kanyang pamatay na shooting.
Nagtatala siya ng 25 o higit pang puntos sa kanyang 33 sunod na laro, ang ikalawang pinakamahaba sa NBA matapos ang 40 ni Michael Jordan noong 1986-87.
Sa kanilang ika-50 panalo ay nakalapit ang Thunder, napababa ang itinayo nilang 24-point lead sa lima sa fourth period, sa 1 1/2 laro sa San Antonio para sa best record sa Western Conference.
Naglaro ang Oklahoma City na wala si All-Star point guard Russell Westbrook, ipinapahinga ang kanyang surgically repaired knee.
Umiskor si Dion Waiters ng 30 para sa Cavs.
Naiwanan sa 71-95 sa 6:34 minuto sa fourth quarter, gumamit ang Cleveland ng 21-2 atake para makalapit sa 92-97 agwat sa huling 1:22 minuto.
Ngunit kumamada si Durant ng limang free throws sa natitirang 33 segundo para selyuhan ang panalo ng Thunder.
Naglaro naman ang Cleveland na wala sina injured star guard Kyrie Irving (strained biceps) at forward Luol Deng (sprained ankle).
Nagdagdag si Durant ng 11 rebounds at 6 assists, ang isa dito ay ang kanyang pasa para sa dunk ni Ibaka sa 1:54 minuto ng labanan matapos makadikit sa walo ang Cavs.
- Latest