Jumbo Plastic vs Cebuana sa D-League opening
Laro sa Marso 24
(The Arena, San Juan City)
10 a.m. – Café France vs Derulo Accelero
12 p.m. – Boracay Rum vs Cagayan Valley
2 p.m. – Cebuana Lhuillier vs Jumbo Plastic
MANILA, Philippines - Maipapakita ng Jumbo Plastic ang bagong lakas na inaasahang taglay ng koponan sa pagharap sa Cebuana Lhuillier sa pagbubukas ng PBA D-League Foundation Cup sa Marso 24 (Lunes) sa The Arena sa San Juan City.
Triple-header ang magaganap na bakbakan at ang nasabing labanan ay matutunghayan simula alas-2 ng hapon.
Nagpatatag ang Giants nang kunin ang beterang guard na si Jerick Canada bukod pa kay Lee Denice Villamor, Michael Parala at Jeff Viernes.
Pumasok sa quarterfinals ang Giants bilang third seed at may twice-to-beat advantage pero natalo sila ng dalawang sunod sa Blackwater Sports para mamaalam sa Aspirants’ Cup.
Magbubukas ng aksyon sa conference ay ang pagkikita ng Café France at Derulo Accelero sa ganap na ika-10 ng umaga bago sundan ng tagisan ng Boracay Rum at Cagayan Valley dakong alas-12 ng tanghali.
Hinugot ng Oilers ang number one scorer sa nakalipas na conference na si Michael Juico bukod pa sa mga beteranong sina Gryann Mendoza at Mark Acosta para magkaroon ng dagdag puwersa ang tropa.
Kinuha ng Waves ang mga beteranong guards na sina Rudy Lingganay at Robin Roño bukod pa sa sentro na si Prince Caperal habang ipaparada ng Cagayan Valley ang walong bagong manlalaro upang isama sa mga datihang sina Mark Bringas, Jessie Collado, John Foronda, Jason Melano at Kenneth Ighalo.
Ang Blackwater Sports ang siyang nagdedepensang kampeon sa komperensiya at bubuksan nila ang pagtatanggol ng titulo laban sa Aspirants’ Cup titlist na NLEX Road Warriors sa Martes (Marso 25) sa JCSGO Gym sa Quezon City.
Ikalawang laro dakong alas-2 ang tagisan at ang mauunang salpukan sa ganap na ika-12 ng tanghali ay sa pagitan ng Big Chill at Hog’s Breath Café. (AT)
- Latest