Bahay Toro nakabawi
MANILA, Philippines - Nakabawi ang Bahay Toro sa kabiguang inabot sa huling Philracom 3YO Local Filly race nang kuminang ito noong Sabado na ginawa sa MetroTurf sa Malvar, Batangas.
Si Jessie Guce pa rin ang hinete ng kabayong anak ng Bwana Bull at Sound Offer at naorasan ang Bahay Toro ng 1:38 sa kuwartos na 25, 23, 23’, 26’ sa isang milyang karera.
Naibulsa ng Bahay Toro ang P300,000.00 prize mula sa P500,000.00 na inilaan ng nagtaguyod ng karera na Philippine Racing Commission.
Ito rin ang ikalawang panalo matapos ang tatlong yugto upang ipalagay na palaban ito kung isasali sa 2014 Triple Crown first leg sa Mayo 18 sa ikatlong racing club sa bansa at gagawin sa 1,600-metro.
Tulad sa inaasahan, ang coupled entry ng Bahay Toro na That Is Mine sa pagdiskarte ni Pat Dilema ang siyang kumuha agad sa unahan habang ang se-cond leg winner na Up And Away ang pumangalawa bago sinundan ng Winter’s Tale, Bahay Toro at Roman Charm ang nabugaw sa limang kasali.
Wala sa kondisyon ang Up And Away na sakay ni Dominador Borbe Jr. dahil bumitaw ito sa papasok sa far turn habang ang Bahay Toro ay nag-init na para kunin ang unahan.
Humabol ang Winter’s Tale na diniskartehan ni JPA Guce, pero hindi na napigil pa ang malakas na pagtatapos ng humaharurot na Bahay Toro tungo sa dalawang dipang panalo sa nadehadong Winter’s Tale.
Pumangatlo ang That Is Mine bago tumawid ang Roman Charm at Up And Away.
May pakonsuwelo ang Winter’s Tale na P112,500.00 habang P62,500.00 at P25,000.00 ang gantimpala ng That Is Mine at Roman Charm.
Nagpasok ang win ng P9.00 habang kumabig ang nanalig sa husay ng Bahay Toro at Winter’s Tale na 1-3 ng P77.00 dibidendo.
Samantala, nakapanorpresa naman ang kabayong Madam Theresa nang lumabas ito bilang pinakadehado sa 13 kabayo na nagsukatan.
Inilagay ang karera sa spring 1,000-metro distansya at napangatawanan ng Madam Theresa ang maagang paglayo tungo sa di-inaasahang banderang-tapos na panalo.
Nakadikit ang King Eagle sa pagdadala ni RM Ubaldo ng kalahating dipa sa Madam Theresa pero ilang hagupit ni jockey Christian Garganta ang nagpalabas uli ng init ng kabayo para manalo ng isang dipang agwat.
Pumalo pa sa P61.00 ang win habang nasa P1,456.00 ang dibidendo sa 1-2 forecast.
- Latest