Heat pasok sa playoffs

MIAMI -- Humugot si Dwyane Wade ng 13 sa kanyang 22 points sa final period at pinamunuan ang isang 12-0 atake, habang bumandera si LeBron James sa kanyang 23 points para ihatid ang Miami Heat sa isang playoff spot matapos talunin ang Washington Wizards, 99-90.

Tinapos ng Heat ang kanilang three-game losing slump sa kanilang pananaig sa Wizards.

“We needed a win,’’ ani Wade. “We needed this win.’’

Tumapos si Chris Bosh na may 22 para sa Heat (44-17) na nakadikit sa Indiana (46-17) sa labanan pa­ra sa No. 1 seed sa Eastern Conference kasunod ang San Antonio (46-16).

Nag-ambag si Ray Allen ng 13 para sa Miami, nakalasap ng kabiguan sa Houston, San Antonio at Chicago.

Tumipa naman si Bradley Beal ng 18 points, sa­man­talang may 17 si Martell Webster at 15 si Drew Gooden sa panig ng Wizards.

Naglista si Marcin Gortat ng 14 points at career-high-tying 18 rebounds, 10 dito ay sa first quarter.

Lumamang ang Washington sa 84-83 sa fourth period bago kumamada si Wade para sa Miami.

Isinalpak ni Wade ang isang three-point play na nag­palamang sa Miami kasunod ang kanyang assists sa tatlong basket ng kanyang koponan bukod pa ang isang short jumper.

Ang 3-pointer ni Bosh at layup ni James ang tulu­yan nang sumelyo sa tagumpay ng Heat laban sa Wizards.

Show comments