Sa Class Division 2: JA Saulog nakapanorpresa sa panalo ng Toe The Mark
MANILA, Philippines - Sinorpresa ni JA Saulog ang bayang-karerista matapos ihatid sa panalo ang di napaborang Toe The Mark para maging pinakadehadong kabayo na nagwagi sa pagtatapos ng pista sa bakuran ng San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Ang apprentice jockey na si JA Saulog ang siyang dumiskarte sa pitong taong kabayo sa class division 2 sa 1,400-metro distansyang karera at nakuha ng tambalan ang pangalawang hangin para hindi masayang ang malakas na panimula.
Anak ng premyadong kabayo na Wind Blown sa Magical Mark, ang karera ang unang takbo ng kabayo at nakita ang magandang kondisyon matapos kunin agad ang liderato sa karera na nilahukan ng 12 kabayo.
Sumunod agad ang Summer Style ni EL Blancaflor pero bumitaw ito sa kalagitnaan ng karera.
Sa far turn ay mainit na ang pagdating ng second choice na Royal Choice na dala ni JPA Guce at sa pagbungad sa rekta ay nakalamang na ng kalahating kabayo sa Toe The Mark.
Ngunit nagpahinga lamang pala ang naunang lumamang na kabayo at gamit ang balya ay binawi ang bentahe sa huling 100-metro ng karera tungo sa solong pagtawid sa meta.
Ang tersera-paborito na Going West ni RO Niu Jr. ang siyang sumegunda pa bago tumawid ang Action Sailor at Royal Choice.
Ang paborito sa karera na Crusader ay hindi pinalad na tumimbang sa karera.
Nagpista ang mga pumanig sa Toe The Mark dahil naghatid ito ng P211.50 sa win habang ang forecast na 10-1 ay nagpamahagi pa ng P3,521.00 dibidendo.
Mahusay naman ang pagkakagamit ni AB Serios sa kanyang latigo para manumbalik ang init ng Topnotcher na dinomina ang class division three race 13.
Ilang hagupit ni Serios ang tila gumising sa kabayo na tumulin uli para manalo ng isang ulo sa rumemate at napaborang Flying Gee ni JD Juco.
Umuna agad ang nanalong kabayo sa pagbukas ng aparato pero sa far turn ay tila napagod na dahil nakaa-ngat pa ang Smoking Peanut ni Dominador Borbe Jr.
Panandalian lamang na nalagay sa pangalawang puwesto ng Topnotcher dahil sa rekta ay lumayo na ito pero malakas ang pagdating ng Flying Gee upang mauwi sa dikitan ang labanan sa huling karera.
Nagpamahagi ang win ng P117.50 habang ang 8-10 forecast ay mayroon pang P370.50 dibidendo.
Dahil sa panggugulat ng Toe The Mark at Topnotcher ay walang tumama sa second at third Winner-Take-All.
Nagkaroon ng carry-over na P832,193.336 sa se-cond WTA habang P780,890.22 ang carry-over sa third WTA at ito ay paglalabanan sa pagbabalik ng pista sa Manila Jockey Club Inc. (MJCI).
- Latest