Philracom Imported/ Local Challenge Mas kapana-panabik
MANILA, Philippines - Asahan na mas magiging maaksyon ang ikalawang yugto ng 2014 Philracom Imported/Local Challenge na paglalabanan sa Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Ito ay dahil sa pagsali ng mga bigating kabayo sa pangunguna uli ng Tensile Strength bukod pa ng 1st leg champion Classy And Swift.
Balak ng Tensile Strength na maibangon ang estado nang nasilat bilang outstanding favo-rite ng Classy And Swift na nangyari noong Enero.
Sa 1,600-meter inilagay ang first leg pero mas mahaba ang distansyang paglalabanan sa ikalawang yugto na nasa 1,700-metro para ma-bigyan ng pagkakataong makabawi ang lahok ni dating Philracom commissioner Jun Sevilla.
Pasisikipin ang tagisan ng pagsali ng Spinning Ridge at Golden Empire.
Ang Spinning Ridge ay double leg winner ng 2013 Philracom Triple Crown Championship at dinomina ng kabayo ang mahahabang distansya na 1,800m at 2,000m para mapabor sa laban.
Sa kabilang banda, ang Golden Empire ay sariwa sa pangalawang puwestong pagtatapos sa idinaos na PCSO Freedom Cup na dinomina ng Hari Ng Yambo noong nakaraang Linggo na ginanap sa MetroTurf sa Malvar, Batangas.
Ang mga imported horses na Pinespun at Sliotar bukod pa sa mga local horse na Captain Ball ang kukumpleto sa mga tatakbo sa tampok na karera sa nasabing araw.
May P500,000.00 premyo ang inilagay ng nagtataguyod na Philracom at ang mananalo ay mag-uuwi ng P300,000.00 prem-yo habang ang winning breeder ay mayroong P15,000.00 gantimpala.
Ang papangalawa ay mag-uuwi ng P112,500.00 habang ang papangatlo at papang-apat ay mayroong P62,500.00 at P25,000.00 ayon sa pagkakasunod.
Ito ang unang stakes race sa buwan ng Marso at sunod nito ay ang 3rd leg ng 3YO Local Filly at Colts race sa Marso 15 at 16 at ang Philracom Commissioner’s Cup sa Marso 30. (AT)
- Latest