Maghihigpit ang Asian Games Task Force

MANILA, Philippines - Hindi lulusot sa POC-PSC Asian Games Task Force ang mga atletang walang kapasidad na makapaghatid ng panalo sa kompetisyon na gagawin sa Incheon, Korea sa Setyembre.

Sa pagdalo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon nina POC chairman Tom Carrasco at Paul Ycasas na mga kasapi ng Task Force, nilahad nila na may sistemang ipinaiiral ang grupo para hindi mapalusutan ng mga National Sports Associations (NSAs) na nais na masama sa ipadadalang delegasyon sa nasabing torneo.

“Ang criteria na inilabas ay nakabase sa performance ng mga atleta. Kaya hindi mahalaga sa amin kung sino ang atleta na ilalagay ng mga NSAs kungdi ang kanilang nagawa sa mga kompetisyon na sinalihan,” wika ni Carrasco na pangulo rin ng triathlon.

Para maging maayos ang pag-uusap, ang lahat ng dokumento na ipinapasa ng mga NSAs ay inilalagay sa kani-kanilang folder para madaling ma-monitor ang kanyang performances.

“Seryoso ang Task Force sa pag-monitor at pag-evaluate sa mga atleta. We always challenge the NSAs para ipakita ang tamang programa sa kanilang mga athletes,” dagdag ni Ycasas.

Hanap ng Pilipinas na mahigitan ang tatlong ginto, apat na pilak at siyam na bronze medals na naitala ng de-legasyon na ipinadala sa Guangzhou China  noong 2010.

Tanging ang London Olympian at Myanmar SEA Games gold medalist sa BMX na si Daniel Caluag ang nakatiyak na ng puwesto sa Pambansang koponan sa individual sports dahil sa pagiging number one sa Asia sa kanyang event.

Ang men’s basketball at softball ay sigurado na rin na makakasama dahil nasa Top five sila sa rehiyon.

Ang mga atletang naghahabol ng puwesto sa delegasyon ay bukas hanggang Agosto 15 na siyang deadline para sa Entry By Name. (AT)

Show comments