Priceless Joy nangibabaw Philracom/Philtobo Claiming Race
MANILA, Philippines - Inangkin ng kabayong Priceless Joy ang pinaglabanang Philracom/Philtobo Claiming Race noong Linggo sa MetroTurf sa Malvar, Batangas.
Anim na kabayo ang nagsukatan sa karerang inilagay sa 1,200-metro distansya at ang Priceless Joy na sakay ni Christian Garganta ay humarurot sa hu-ling 75-metro para mangibabaw at kunin din ang bonus na P100,000.00 na ibinigay ng Philippine Racing Commission at Philippine Thoroughbred Owners and Breeders Organization Inc.
Ang Top Prize na hawak ni Jonathan Hernandez ang umuna sa pagbubukas ng karera kasunod ng Red Flash ni Mark Alvarez bago sumunod ang Priceless Joy at ang Westminster (LT Cuadra).
Sa pagsapit sa far turn ay bumuka ang Westmins-ter upang maiwanan habang ang Priceless Joy ay mainit na para makasabayan ang Top Prize.
Pagod na ang kabayo ni Hernandez para iwanan ng Priceless Joy habang ang Magical Bell ni NK Cali-ngasan ang nakakuha pa sa ikalawang puwesto.
Paborito ang Priceless Joy para makapaghatid ng P6.50 sa win habang ang 1-2 forecast ay nagpamahagi ng P73.00 dibidendo.
Nakapagpasikat din ang mga kabayong Mr. Integrity at Silver Sword na siyang lumabas bilang mga liyamadong kabayo na nanalo sa huling araw ng pista sa ikatlong racing club sa bansa.
Hinabol ng Mr. Integrity ang naunang lumayo na Cashman at hindi na napigil pa ang malakas na pagdating ng kabayong sakay ni Jeff Bacaycay tungo sa panalo sa Magna Carta Trophy Race at pinaglabanan sa 1,600-metro distansya.
Ang mga trophy races ay suportado ng Philtobo, Philracom at host club at sinahugan ito ng P40,000.00 at ang panalo ng Mr. Integrity ay nagkaroon ng dagdag premyo na P24,000.00.
Ang Joy Joy Joy ang pumangalawa sa datingan para sa P10,000.00 bago pumasok ang Symphony ni Gilbert Mejico at nagbulsa ng P6,000.00 premyo.
Nagdomina naman ang Silver Sword sa pagdiskarte ni Hernandez, sa Hyena sa Indelible Ink Trophy Race sa 1,400m.
Outstanding favorites ang Mr. Integrity at Silver Sword para makapaghatid ng P5.00 dibidendo sa win.
Pinagharian ng Hari Ng Yambo ang tampok na karera ng PCSO Freedom Cup sa 1,600-metro distansya para maibulsa rin ang P800,000.00 unang gantimpala sa P1.5 milyong kabuuang premyo.
- Latest