Karagdagang suporta para kay Michael Christian Martinez
Dumating na sa bansa ang figure skater na si Michael Christian Martinez kamakalawa.
Wala naman siyang naiuwing medalya at sa katunayan ay 19th place lang ang tinapos niya sa Sochi Winter Olympics sa Russia.
Ngunit animo’y isang bayani ang pagtanggap sa kanya ng mga Pinoy kahapon sa kanyang motorcade na nagtapos sa Mall of Asia Arena.
Isang malaking karangalan kasi ang kanyang nagawa. Hindi lamang siya ang unang Pinoy na lumaban sa Winter Olympics kungdi siya ang unang Southeast Asian na lumahok dito.
Ang dami niyang natanggap na regalo.
Bukod sa mga nauna na niyang natanggap na financial support kabilang ang $10,000 mula sa sportsman/businessman na si Manny V. Pangilinan, nakatanggap pa ang 17-gulang na si Martinez ng iba’t ibang regalo tulad ng ‘Susi sa Lungsod ng Pasay, lifetime privilege sa lahat ng SM skating rinks at karagdagang $10,000 pa mula sa SM big boss na si Hans Sy.
Kailangan niya ang mga ganitong suporta dahil napakamahal ng kanyang gastusin sa kanyang napi-ling sport.
Hindi magtatagal sa bansa si Martinez dahil nakatakda naman itong lumahok sa World Juniors Championship sa March 13-15 sa Bulgaria na bahagi ng kanyang preparation para sa susunod na Winter Olympics sa Pyongchang, South Korea, apat na taon mula ngayon.
Kaya naman nakakatuwang may mga suportang dumating na sa kanya at sana ay mas marami pang suporta ang kanyang makuha para magkaroon siya ng magandang training.
- Latest