PSC nagbigay ng tulong kay Martinez
MANILA, Philippines - Nagbigay ng $7,200.00 ang Philippine Sports Commission (PSC) bilang tulong kay Michael Christian Martinez sa paglahok sa Winter Olympics sa Sochi, Russia.
Sa pulong pambalitaan na isinagawa ni PSC chairman Ricardo Garcia kahapon, binanggit niya na ito lamang ang perang naitulong ng PSC dahil hindi kailanman humihingi ng suporta ang Philippine Skating Union (PSU) na pinamumunuan ni Pocholo Veguillas bilang pangulo at Hans Sy bilang chairman.
Nagsalita si Garcia bilang reaksyon sa lumabas na ulat mula sa ina ni Martinez na si Maria Teresa na kinailangan nilang isanla ang kanilang bahay at iba pang ari-arian para mapadala ang anak sa kompetisyon. Umani ng simpatiya ang panulat at mismo ang Presidential Management Staff ay kumilos at nakipag-ugnayan sa PSC para alamin ang tunay na pangyayari.
“Sumulat sa amin ang Philippine Olympic Committee (POC) at humihingi ng $7,200.00 para ibigay kay Martinez. Kung bakit sila ang humingi ay hindi ko alam pero ibinigay namin ang pera at natanggap nila ito noong December 20,†wika ni Garcia.
Idinugtong pa niya na ang PSU ay isa sa siyam na National Sports Association (NSA) na hindi talaga humihingi ng tulong pinansyal sa PSC.
“Never kaming nakatanggap ng anumang sulat mula sa PSU. Nakausap ko din si Hans Sy mga three weeks ago at siya mismo ang nagsabi na hindi niya pinasusulat si Pocholo dahil sagot niya ang lahat ng gastos sa ice skating. Nagpasalamat pa nga ako sa kanya dahil ito ang kailangan ng PSC para maparami ang aming matutulungan,†dagdag ni Garcia.
Si Martinez ang natatanging Pinoy na lalaban sa Winter Games at siya ay sasalang sa figure staking sa Pebrero 13 at 14.
Kababalik lamang ni Garcia ng bansa mula Sochi noong Lunes dahil siya ang kumatawan kay Pangulong Benigno Aquino III at hindi niya nakausap si Teresa kungdi si Michael lamang.
“Kinamusta ko siya sabi niya ay okey siya. Hindi siya favored sa kanyang event pero ang sinabi niya na part ito ng kanyang preparation for the next Olympics tutal 17 pa lang siya. We are proud to have an athlete in the Winter Games and he should be isolated from this problem,†dagdag ni Garcia.
Sinigurado ng PSC chairman na may pabuyang matatanggap si Martinez kung palarin na manalo ng medalya at ito ay ibabase sa RA 9064 o Incentives Act. (AT)
- Latest
- Trending