2013 POC-PSC Batang pinoy national finals Buwenamanong gold medal nakopo ng anak ng isang karpintero
BACOLOD CITY, Philippines - -- Inangkin ng isang anak ng karpintero at PCSO scratch ticket seller ang kauna-unahang gintong medalya, habang isang bagong record ang naitala sa high jump sa athle-tics event ng Batang Pinoy National Finals 2013 kahapon dito sa Panaad Park and Stadium.
Pinitas ng 15-anyos na si Rey Mark Quezada ng Baguio City ang gold medal sa boys’ 5,000-meter run mula sa isinumiteng oras na 17:10.7.
Inungusan ni Quezada para sa gold medal sina James Galima (17:20.7) ng Candon City at Ivan Miguel Santos (17:47.2) ng Cebu City.
Nagrehistro naman ng bagong Batang Pinoy record ang 5-foot-8 na si Alexis Soqueno ng Negros matapos lumundag ng 193m sa boy’s high jump para burahin ang dating 180m na itinala ni Resty Lorenzo ng Manila noong 2012 National Finals sa Iloilo.
Ang iba pang nanalo ng ginto ay sina Lanz Jere-my Halongong (36.30m) ng Iloilo sa boys’ discus throw, Mariz Sabado (14:23.6) ng Pangasinan sa girls’ 2,000m walk, Romerose Villanueva (5.18m) ng Negros sa girls’ long jump.
Sa swimming, limang ginto ang nilangoy ng mga Quezon City tankers mula kina Kirsten Chloe Daos sa girls’ 13-15 400m free style (4:49.90), Joshua Taleon sa boys’ 13-15 50m breaststroke (32.05), Raissa Regatt Gavino sa girls’ 13-15 50m breaststroke (35.69), Philip Joaquin Santos sa boys’ 11-12 200m butterfly (2:33.92) at Miguel Arellano sa boys’ 13-15 200m butterfly (2:18.64).
Tatlong ginto ang ibinigay nina Jenkins Labao sa boys’ 13-15 400m freestyle (4:34.87), Allana Sagubo sa girls’ 11-12 200m backstroke (2:55.46) at ang boys’ team nina Labao, Dam Christian Leyba, Renz Gawidan at Neil Nazarro sa 15-U 200m meter relay (2:07.05).
Sina Labao, Marc Audrey Santos ng Malolos City, nagwagi ng dalawang ginto sa boys’ 11-12 400m free style (4:44.71) at 12-U 100m freestyle (1:03.08), at Bela Louise Magtibay ng Lucena, nagkampeon sa girls’ 11-12 400m freestyle (5:07.99) at nakasama sa 15-U team na nanalo sa 200m medley relay, ang mga hinirang na double-gold medalists.
Sa gymnastics, inangkin ng Parañaque ang gold medal sa cheerleading (232.5 points), habang naghari ang Iligan (122.5 points) at ang Iriga (249 points) sa group stunts at cheer dance, ayon sa pagkakasunod. (RCadayona)
- Latest