Si Bradley ang napili ni Manny
CEBU CITY , Philippines -- Rematch kontra kay WBO welterweight champion Timothy Bradley ang piniling mangyari ni Manny Pacquiao.
Ang labang magaganap sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas sa April 12 ay inaasahang magbibigay linaw sa kontrobersiyal na resulta ng kanilang unang pagkikita noong June 2012.
Umiskor si Bradley ng split 12-round decision para agawin ang WBO crown mula kay Pacquiao sa kanilang unang pagsasagupa.
Iniskoran ni judges C. J. Ross at Duane Ford ang laban sa 115-113 pabor kay Bradley habang si judge Jerry Roth ay nagbigay ng 115-113 iskor para kay Pacquiao.
Hindi matanggap ng marami ang naging resulta at nagreklamo si Bob Arum sa WBO na agad namang nagtalaga ng limang independent veteran judges para rebyuhin ang laban at iskoran ito at lahat ay nagbigay ng panalo kay Pacquiao, 117-111 sa dalawang judge, 118-110, 116-112 at 115-113.
Hindi na inulit ang laban at tinanggap na lamang ni Pacquiao ang pagkatalo.
Dalawang beses nang naidepensa ng 30-gulang na si Bradley ang kanyang WBO title -- una, laban kay Russian Ruslan Provodnikov at sumunod kay Juan Manuel Marquez.
Handa na ngayon si Bradley na harapin si Pacquiao sa rematch at itataya nito ang kanyang record na 31-0, kasama ang 12 KOs.
Napabagsak ang 35-gulang na si Pacquiao, ni Marquez sa kanyang sumunod na laban matapos matalo kay Bradley ngunit nakabawi ito noong Nobyembre matapos ang impresibong panalo laban kay Brandon Rios sa Macau.
Kinumpirma ni Pacquiao na si Bradley na ang kanyang susunod na kalaban bago sumakay ng PAL flight patungo sa Cebu.
Sinabi rin ni Pacquiao na hindi na mababago ang schedule sa April 12 kahit pa manganganak ang kanyang asawang si Jinkee para sa kanilang ikalimang anak sa huling bahagi ng naturang buwan.
Dahil dito, hindi na mapapanood ni Jinkee ng personal ang laban ng kanyang asawa.
Magsasanay din si Pacquiao para sa laban sa Los Angeles kung saan may bagong training facility na naghihintay sa kanya sa ilalim ng Wild Card Gym na binili ni coach Freddie Roach.
- Latest