Magandang kondisyon ng Mamang Sorbetero nagbunga ng panalo sa 3YO & Above Maiden
MANILA, Philippines - Nakitaan ng magandang kondisyon ang Mamang Sorbetero para manalo sa 3YO & Above Maiden Race noong Huwebes ng gabi sa MetroTurf sa Malvar, Batangas.
Sa pagbukas pa lamang ng aparato ay inuna agad ni jockey Mark Alvarez ang kabayo at nagawang pa-ngatawanan ng tambalan ang malakas na panimula at makapagbanderang-tapos sa 1,200m karera.
Ang Out To Win ni AO Camañero at Tumauini ni JB Guce ang nagsikap na habulin ang nangungunang kabayo pero buo pa ang Mamang Sorbetero at manalo ng isang ulo sa Out To Win.
Nagkakahalaga ang panalo ng P10,000.00 na ibi-nigay ng Philippine Racing Commission (Philracom) bilang added prize sa karera.
Maganda pa ang ibinigay ng Mamang Sorbetero dahil may P10.50 dibidendo ang win habang ang pagpangalawa ng dehadong Out To Win ay nagresulta sa P67.50 sa 6-2 forecast.
Nagpasikat din ang kabayong Ho Ho Ho na nadehado sa class division 1C at pinaglabanan sa 1,000m sprint distance.
Naunang nalagay ang kabayong hinawakan ni RC Tabor sa pangatlong puwesto kasunod ng Moon Raker at Guillermo.
Sa back stretch ay nakuha na ng Ho Ho Ho ang kanyang kondisyon para pagpasok sa huling kurbada ay nangunguna na ito.
Lalo pang bumulusok ang Ho Ho Ho sa rekta para manalo ng mahigit apat na dipa sa Janz Music.
Nakapaghatid ang win ng P48.00 dibidendo sa win habang umabot sa P94.00 ang 2-1 forecast.
Nagbunga rin ang pagsakay ni LT Cuadra sa Fort Belle matapos mangibabaw sa handicap race sa 1,200m distansya. Ang kabayo na dating sinasakyan ni Jonathan Hernandez ay patok din sa anim na naglaban at naghatid ito ng P6.00 sa win habang ang 4-2 forecast ay nagbigay ng P17.50.(AT)
- Latest