SBP pararangalan ng PSA
MANILA, Philippines - Sinimulan ng Gilas Pilipinas ang lahat mula sa kanilang nakaka-inspire na runner up finish sa 27th FIBA-Asia Men’s Championships noong Agosto bago tinapos ng Sinag Pilipinas ang taong 2013 sa pamamagitan ng pagmi-mintine sa men’s gold me-dal sa 27th Southeast Asian Games sa Myanmar.
Sa pagitan naman nito, nag-uwi ang Philippine Youth team ng silver medal sa FIBA-Asia U16 Championships, habang kinuha ng PH U18 3x3 squad ang gold sa FIBA-Asia U18 3x3 para sa matagumpay na taon ng Philippine basketball.
Ang pagpapanalo ng mga Filipino cagers ay hindi magiging posible kung hindi dahil sa solidong suporta ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na hinirang na National Sports Association (NSA) of the Year ng Philippine Sportswriters Association (PSA) para sa Annual Awards Night na inihahandog ng Milo kasama ang Air21 bilang major sponsor.
Ang event ay nakatakda sa Enero 25 sa Centennial Hall ng Manila Hotel na inaasahang dadaluhan nina SBP president Manny V. Pangilinan, vice-chairman Ricky Vargas, vice president Al Panlilio at executive director Sonny Barrios para personal na tanggapin ang award na ibinigay sa NSA na nagbigay ng karangalan sa bansa sa buong isang taon.
Ito ang ikalawang pagkakataon na kinilala ang SBP bilang NSA of the Year matapos makipaghati sa National Golf Association noong 2012 edition ng taunang event na pinamamahalaan ng PSA katuwang ang Smart Sports, Philippine Sports Commission, Philippine Amusement and Gaming Corp., ICTSI-Philippine Golf Tour, Philippine Basketball Association, Globalport, Rain or Shine, Philippine Cha-rity Sweepstakes Office, Accel at 3XVI, Senator Chiz Escudero at SM Prime Holdings.
Ang mga naunang NSA of the Year awardees ay ang Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP), Billiards and Snooker Congress of the Philippines (BSCP), Philippine Amateur Track and Field Association (Patafa), Wushu Federation of the Philippines at Philippine Taekwondo Association.
Para sa kanilang mga runner-up finishes, nakakuha ang Gilas Pilipinas ni coach Chot Reyes at ang Philippine Youth team ni coach Jamike Jarin ng tiket para sa world championships ngayong taon sa Spain at Dubai, ayon sa pagkakasunod.
Ang Gilas Pilipinas ang mangunguna sa kabuuang 123 awardees na paparangalan sa event na isasaere ng long-time PSA partner na DZSR Sports Radio 918, sa pagtanggap ng Athlete of the Year.
- Latest