Fernando's Entry 'di bumigay
MANILA, Philippines - Hindi bumigay ang Fernando's Entry sa hamon ng dalawang matitikas pang kabayo para kunin ang 4YO Handicap Race 1A na pinaglabanan noong Linggo sa MetroTurf sa Malvar, Batangas.
Kasabay ng kabayong sakay ni BL Valdez na dumarating ang Faithfully ni Jonathan Hernandez at Si Inday ni Reynaldo Niu Jr. sa huling 100m sa 1,000m sprint race pero sapat pa ang lakas ng Fernando's Entry para talunin ang Faithfully ng isang ulong agwat sa meta.
Hindi maganda ang mga naipakitang takbo ng kabayo noong nakaraang taon upang mabiyayaan ang mga dehadistang nanalig sa husay ng Fernando's Entry matapos pumalo sa P80.50 ang win habang P290.50 ang 4-1 forecast.
Isa pang kabayong nagpasikat bilang dehado ay ang Unthinkable sa 4YO Special Handicap Race nang sandalan ng kaba-yong sakay ni EP Nahilat ang lakas sa pagremate.
Hindi inakala na mananalo pa ang Unthinkable dahil nasa malayong ikalimang puwesto ito sa pagpasok sa rekta at mainit na ang Special Song ni JB Cordova nang agawin ang liderato sa naunang nasa unahan na Luck And Fame at Real Steel.
Ngunit nasa outer lane ang Unthinkable at maluwag ang kanyang dinaa-nan para mametahan ang Special Song. Pangalawang long shot sa araw na ito ang Unthinkable nang pumalo sa P38.50 ang win nito habang ang 1-5 forecast ay naghatid ng P235.00 dibidendo.
Nakuha naman ng Ms. Bling Bling ang unang panalo sa taon nang pa-ngatawanan ang pagiging liyamadong kabayo na nanalo sa gabi.
Umabot pa sa P5.50 ang ibinigay sa win habang ang liyamadong forecast na 5-4 ay may P11.00 dibidendo.
Ang araw na ito ay kinakitaan din ng paghagip ng kabayong Dusty Jewel ng panalo sa unang Philracom sponsored race sa taon na isang Charity Race.
- Latest