Walang umabot sa Hagdang Bato
MANILA, Philippines - Nabigo man sa hangaring mapanatili ang titulo sa pinaglabanang Presidential Gold Cup, hindi naman naunsiyami ang Hagdang Bato para kilalanin bilang winningest horse ng 2013.
Pumang-apat lamang ang 2012 Horse of the Year sa Presidential Gold Cup noong nakaraang Disyembre pero ang nakuhang panalo sa apat na stakes races na unang sinalihan ay sapat na para hindi na maabutan ng ibang karibal.
Kumabig ang premyadong kabayo ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos ng P5,550,004.00 premyo at tampok na mga panalo ay nailista sa PSCO Freedom Cup at Silver Cup, Philracom Commissioner’s Cup at MARHO Breeders’ Cup Classic.
Ang Pugad Lawin na siyang kumuha sa titulong iniwan ng Hagdang Bato sa Gold Cup ang siyang puma-ngalawa bago ang double-leg winner sa Triple Crown Championship na Spinning Ridge ang nasa ikatlong puwesto.
Hindi natalo sa apat na takbo ang Pugad Lawin at ang kampeonato sa Gold Cup ay nagpasok sa connections ng P4 milyon para sa kabuuang P4,191,358.44 premyo.
Ilang libong piso lamang ang agwat ng nasabing kabayo sa Spinning Ridge na kumulekta ng P4,115,652.09 gantimpala sa apat na panalo bukod sa isang segundo, tatlong tersero at isang kuwarto puwestong pagtatapos.
Tampok na panalo ay kinuha sa se-cond at third leg ng Triple Crown Championships para magkamal ng kabuuang P3.6 milyong gantimpala.
Ang Be Humble at Boss Jaden ang pumasok sa ikaapat at limang puwesto matapos kumabit ng mahigit na tatlong milyon bawat isa.
May P3,902,556.44 premyo ang Be Humble sa pitong panalo, limang segundo at dalawang kuwarto puwestong pagtatapos habang ang Boss Jaden ay umani ng P3,249,146.70 sa isang panalo, tatlong segundo, pitong tersero at isang kuwarto puwestong pagtatapos.
Inangkin ng Crucis ang taguri bilang pinakamahusay na imported horse ng nagdaang taon sa napanalunang P2,572,217.04 mula sa 9-1-3-0 una hanggang pang-apat na puwestong pagtatapos. Lumabas na ang kabayong May Bukas Pa ang may pinakamaraming panalong naitala noong 2013 na nasa 17.
Ang kumumpleto sa unang sampung puwesto sa talaan ay ang Divine Eagle (P2,665,158.62) pang-anim, May Bukas Pa (2,472,808.52) pang-walo, My Champ (P2,380,370.19) pang-siyam at Hot And Spicy (P2,080,800.55) pang-sampu. (AT)
- Latest