Tuloy sa Jan. 17-18 ang Asiad Centenial Festival
MANILA, Philippines - Matutuloy sa Enero 17 at 18 ang naudlot na pagtayo bilang punong-abala ng Pilipinas sa malaking pagpupulong sa 45-bansang Olympic Council of Asia sa Asiad Centenial Festival.
Ang OCA president na si Sheikh Ahmad Al-Fahad Al-Sabah ang mangunguna sa pagpupulong na dapat ay ginawa noong nakaraang Nobyembre sa Boracay pero ipinagpaliban matapos hagupitin ang Kabisayaan ng Super typhoon Yolanda na nagresulta ng pagkamatay ng humigit-kumulang na 6,000 katao. Isasabay sana ang selebrasyon sa ika-100 taon ng pagkakatatag ng Asian Games na sinimulan sa Pilipinas noong Pebrero 1913 at unang nakilala bilang Far Eastern Games.
Sa panayam kay POC 1st Vice President Joey Romasanta, sinabi niyang hindi na matutuloy ang naunang magarbong plano tulad ng makulay na pagtatanghal at ang paggawad ng parangal sa mga piling manlalaro na tiningala sa Asian Games.
“Ang mangyayari ay hindi na festival kungdi commemoration na lamang ng 100 years ng Asian Games. Magho-host na lamang ang POC ng isang welcome dinner sa January 17 at magkakaroon na lamang ng Filipiniana cultural show,†wika ni Romasanta.
Tampok na pagpupulong ng OCA ay ang Exe-cutive Board meeting sa tanghali ng Enero 17 na gagawin sa Hotel Sofitel at ang 32nd General Assembly sa ganap na ika-10 ng umaga sa Enero 18.
Kabilang sa pag-uusapan ay ang gagawing Asian Games sa Incheon, Korea mula Setyembre 18 hanggang Oktubre 4.
“Sa pagdating ng mga OCA officials ay saka natin malalaman ang agenda sa mga meetings at dito natin titingnan kung ano ang puwede nating talakayin para makatulong sa bansa,†ani Romasanta.
- Latest