Ang pag-usbong ng volleyball
MANILA, Philippines - Tumingkad pa ang kinang ng volleyball sa bansa sa 2013 dahil sa pagbibigay-buhay ng isa pang commercial league at ang paggawa ng pangalan ng apat na koponan.
Ipinakilala ng Sports Core ang Philippine Super Liga noong Hulyo at ang hangarin ay bigyan ng pagkakataon na makapaglaro pa ang mga volleyball players na tapos na sa kanilang pag-aaral.
Dalawang conferences ang naisagawa ng PSL at sa maikling panahon ay agad din silang gumawa ng marka nang isilang din ang kauna-unahang commercial league para sa kalalakihan.
Tig-anim na koponan ang sumali sa women’s division ng Invitationals at Grand Prix pero isang koponan lamang ang kinilala ang husay sa paglalaro dahil ang TMS-Philippine Army ang nagdomina sa dalawang conferences.
Ang Cignal HD Spikers din ang siyang kinaharap ng Lady Troopers sa dalawang finals at nanaig ang huli sa 3-1 iskor.
Naitala rin sa PSL ang pangalang PLDT My-DSL bilang unang kampeon sa men’s division. Ang koponan ay pinamunuan ni movie actor Richard Gomez at ang kanilang tinalo sa championship ay ang Systema sa pahirapang 28-26, 25-16, 20-25, 22-25, 16-14, iskor.
Ang titulo ang pumawi sa kabiguan ng kanilang women’s team na siyang pinaboran na magdodomina sa Grand Prix matapos ibandera ang mga mahuhusay na American imports na sina Savannah Noyes at Kaylee Manns.
Nagawa ng Speed Boosters na walisin ang limang laro sa classification round para dumiretso sa semifinals. Ang dagdag pahinga ay nakasira sa PLDT-MyDSL dahil nawala ang momentum sa Final Four para lasapin ang 17-25, 25-22, 21-25, 27-25, 16-14, pagkatalo sa Cignal.
Samantala, ipinakita ng Cagayan Valley ang pinakamatinding laro ng isang volleyball team sa taon nang kanilang walisin ang Shakey’s V-League Open conference.
Ipinarada ang mga mahuhusay na Thai imports na sina Kannika Thipachot at Phomia Soraya na isinama sa mga subok nang locals, ang Lady Rising Suns ay hindi natalo sa 16 laban upang maging kauna-unahang koponan matapos ang 10 seasons sa ligang inorganisa ng Sports Vision at suportado ng Shakeys na nakagawa nito.
Kinalos ng tropa ni coach Nestor Pamilar ang Smart-Maynilad sa best-of-3 finals.
Bago ang Cagayan Valley ay nagpasiklab muna ang National University na nanguna sa 1st conference na Collegiate Division.
Nakauna ang Lady Eagles pero humabol ang NU sa sumunod na dalawang laro para maitala ang kauna-unahang titulo sa liga.
Ang UAAP ang siyang tunay na dahilan kung bakit umaangat ang women’s volleyball sa bansa matapos gumawa ng record crowd sa isang laro sa Season 75.
Labanan ng magkaribal na paaralan na La Salle at Ateneo sa second round na ginawa noong Pebrero 9 nailista ang record crowd na 19,638.
Ang Lady Archers at Lady Eagles din ang nagtagisan sa best of three finals at nanaig ang La Salle sa two-game sweep.
- Latest