Tagisang Dilema at Jessie Guce
MANILA, Philippines - Magiging mahalaga ang resultang ipakikita nina Jessie Guce at Pat Dilema sa buwan ng Disyembre para malaman kung sino ang winningest jockey sa taong 2013.
Una pa rin si Guce sa kanyang hanay bitbit ang P4,567,036.85 kinita pero hindi naman nalalayo si Dilema na mayroong P3,946,601.74 tungo sa ikalawang puwesto.
Si Guce ang may pinakamaraming takbo sa 1,138 matapos ang buwan ng Nobyembre at may 205 panalo, 208 segundo, 158 tersero at 132 kuwarto puwestong pagtatapos.
Ang halagang napanalunan ng dalawang hinete ay matapos bawasan ng karampatang buwis ng pamahalaan.
Si Jonathan Hernandez ay nasa ikatlong puwesto bitbit ang P3,766,448.08 premyo habang si Mark Alvarez ang isa pang hinete na may mahigit tatlong mil-yong pisong premyo sa P3,466,786.66 gantimpalang napanalunan.
Kukumpletuhin ni John Alvin Guce ang unang limang puwesto sa P2,571,8578.29 kinita.
Dalawang horse owners naman ang nasa P10 million mark upang magbalikatan sa kanilang hanay.
Magandang tagisan din ang nangyayari sa hanay ng mga horseowners na sina Hermie Esguerra at Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos.
Una pa rin si Esguerra sa naitalang P11,944,360.68 premyo habang si Abalos ang nasa ikalawang puwesto sa dikit na P10,254,532.96 premyo.
Ang isa pang nirerespetong horse owner na si Aristeo Puyat ang pumapa-ngatlo sa P9,935,145.27 premyo habang si Narciso Morales ang nasa ikaapat na puwesto sa P9,531,932.63 at si Sixto Esquivias IV ang nasa panlimang puwesto bitbit ang P8,284,594.13.
Sinasandalan ni Abalos ang tikas ng 2012 Horse of the Year Hagdang Bato na nakakaangat pa sa kanyang hanay.
May P5.5 milyon ng hinablot ang Hagdang Bato mula sa apat na panalo at isang kuwarto puwestong pagtatapos.
Matatandaan na naunsiyami ang prem-yadong kabayo sa tinarget na ikalawang sunod na Presidential Gold Cup nang pumang-apat lamang matapos matisod sa pagbubukas ng aparato.
Ang Spinning Ridge na double leg winnier ng 2013 Triple Crown ang nasa ikalawang puwesto bitbit ang P4,104,872.09 habang ang Be Humble, Boss Jaden at imported horse Crucis ang nasa ikatlo hanggang limang puwesto sa P3,302,555.44, P2,624,140.70 at P2,572,217.04 gantimpala. (AT)
- Latest