5 bigating kabayo maghaharap-harap
MANILA, Philippines - Limang mahuhusay na edad dalawang taong gulang na mga kabayo ang magtatagisan para sa Philtobo Juvenile Championships sa Linggo sa bakuran ng Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Sa araw na ito gagawin ang 14th Philtobo Grand Championships at ang Juvenile Championships na paglalabanan sa 1,600-metro distansya ang siyang tampok na karera dahil sinahugan ito ng P3 milyon ng nag-oorganisang Philippine Thoroughbred Owners and Breeders Organization (Philtobo).
Ang mga maglalaban-laban ay ang Fairy Star ni Jeff Zarata, Matang Tubig ni Jonathan Hernandez, Mr. Bond ni Fernando Raquel Jr., Kid Molave ni Jessie Guce at Proud Pala ni Pat Dilema.
Tumataginting na P1.78 milyon ang premyong mapapanalunan sa karera habang P675,00.00 ang mapupunta sa papangalawa, may P375,000.00 ang papangatlo at P150,000.00 ang papang-apat sa datingan.
May breeders purse rin na P50,000.00 habang kakaltasan ng P20,000.00 ang kabuuang premyo para itulong sa mga biktima ng super typhoon na Yolanda.
Habang sinasabing ang lahat ng kalahok ay tiyak na kondisyon sa karera, ang mataas na ekspektasyon ng bayang karerista ay nasa Mr. Bond at Matang Tubig na makailang beses na rin na nanalo sa mga malala-king Juvenile races na naidaos.
Ang pagpapalit ng hinete sa Mr. Bond na lahok ni Hermie Esguerra mula kay Zarate tungo kay Raquel ay inaaasahan ding magtutulak para maging palaban ang kabayo.
Sa kabilang banda, ang Matang Tubig na entrada ni Leonardo 'Sandy' Javier, ay galing sa pahinga at tiyak na ginamit ito ng handlers para maibalik ang dating magandang kondisyon ng kabayo.
Ang kampeon sa 1st Leg ng Juvenile Colts Stakes na itinataguyod ng Philippine Racing Commission (Philracom) ay huling lumaban noong Oktubre sa 4th leg ng karera at tumapos ito sa pangalawang puwesto sa Mr. Bond.
May ilalarga ring karera ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na Classic at apat na kabayo ang magtutunggali sa 2,000-metro distansya.
Ang mga nagpatala ay ang Sulong Pinoy ni Raquel, Spring Collection ni JB Guce, Tensile Strength ni CV Garganta at Brother Barack ni RR Camañero.
Napapaboran sa karerang ito ang leg winner ng Triple Crown na Tensile Strength pero asahan din na palaban ang iba para magkaroon ng magandang pagtatapos ang karera sa taong 2013.
Sinahugan ng PCSO ang karera ng P500,000.00 0at ang mananalo ay mag-uuwi ng P280,000.00 habang ang breeder ng kabayo ay mayroong P20,000.00 gantimpala.
Ang papangalawa ay mayroong P112,500.00 habang P62,500.00 at P25,000.00 sa papangatlo at papang-apat sa datingan.
- Latest