Ginto naging bronze na lang: Sa makulimlim na araw ng Pinas
NAY PYI TAW – Na-yanig ang Team Philippines ng kontrobersiya sa swimming competition matapos bawiin ang gold medal.
Matapos mawala ang gintong medalya ng swimmer na si Jasmine Alkhaldi, sunud-sunod ang kabiguan ng mga Pinoy na makakuha ng gold sa pagpapatuloy ng 27th Southeast Asian Games na ginagawa sa iba’t ibang venue dito.
Hindi ito natabunan ng paglapit ng Sinag Pilipinas sa gintong medalya sa basketball competition gayundin ng sunud-sunod na panalo ng mga boxers.
Binawi ang gold ni Jasmine Alkhaldi sa 100m freestyle noong Huwebes ng gabi nang talunin niya ang dalawang Singaporean tankers.
Nagprotesta ang Thailand swimming de-legation dahil diumano sa false start at kinatigan ito ng technical committee na pinamumunuan ng Singaporean at ipinag-utos na ulitin ang karera kagabi.
Dahil binawi ang gold na kaisa-isang ginto na nakuha ng Team Philippines noong Huwebes, tatlong araw nang bokya ang Pinas matapos maghatid ng 3-gold ang wushu team.
Bunga nito, ang PHL athletes ay nasa eighth overall sa medal standings sa likod ng Cambodia.
Ang isa sa dalawang bronze na nadagdag sa produksiyon ng Pinas kahapon ay galling kay Alkhaidi matapos maka-third place sa likuran nina Natthanan Thunkrajang at Ting Wen Quah ng Singapore na pumangalawa din kay Alkhaldi noong Huwebes, sa event na ipinag-utos na ire-swim.
Ang isang bronze ay nanggaling kay Jason Balabal sa 84kg freestyle event, kaya bigo na naman itong makapag-uwi ng SEAG gold sa ikatlong pagkakataon.
Ang PHL wrestling team ay bokya sa gold at nagkasya sa dalawang silvers at bronzes lamang.
May pag-asa kina swimmers Jessie Khing Lacuna, Joshua Hall at Matt Navata na may finals pa kagabi sa kani-kanilang event.
Sa women’s football, natalo ang Malditas sa Vietnam, 0-7 na kanilang ikalawang sunod para masibak sa kontensiyon.
Sa canoeing, tumapos si Hermie Macaranas bilang fifth sa 200m single sculls habang si Alex Generalo ay hindi na nakaalpas sa K1 200m semifinals ng kayaking.
- Latest