2 world memory game records kay Lambunao
MANILA, Philippines - Nakuntento ang 12-anyos na si Jamyla Lambunao ng Marikina City sa pangalawang puwesto ngunit nakapagtala ito ng dalawang world record sa Kids Division ng 2013 World Memory Championship na nagtapos nitong Lunes sa Croydon Conference Center sa London, United Kingdom.
Tulad noong isang taon ay nakuha ng grade 7 student ng St. Scholastica’s Academy Marikina ang silver medal sa Kids division ng taunang torneo para sa pagalingan ng memorya ngunit sa taong ito ay nabasag ni Lambunao ang world 12-under record sa Random Words event kung saan nakapagmemorya siya ng 151 words sa loob ng 15 minuto at sa Speed Numbers kung saan nakabisado niya ang 206 numero sa limang minuto.
Ang dating record ay naitala nina Lara Hick ng Germany (70 words) noong 2005 at Hu Xinyun ng China (202 digits) noong 2010.
Nabigo si Lambunao na masungkit ang gintong medalya matapos kapusin ng 62 puntos laban sa nagkampeong si Dong Xun ng China na tumapos na may kabuuang 3,678 points.
Bukod sa dalawang ginto sa Random Words at Speed Numbers ay nanalo rin ng apat na silver (Names & Faces, Binary Numbers, Spoken Numbers at Speed Cards) at tatlong bronze (Abstract Images, One-hour Cards and One-hour Numbers) ang pambato ng AVESCO Philippine Team.
Sa open division naman ay nakakuha ng gintong medalya sa Spoken Numbers ang kauna-unahang Grandmaster of Memory (GMM) ng bansa na si Mark Anthony Castañeda at nagtapos sa ikawalong puwesto mula sa 100 memory athletes na sumali galing sa 33 bansa.
Nagtapos din sa ika-11 puwesto si GMM Erwin Balines para itulak ang AVESCO Philippine Team sa 4th place finish sa likod ng overall champion na Germany, Sweden at Mongolia.
- Latest
- Trending