Laban para sa bayan! Pinoy vs Latinos
MANILA, Philippines - Iwaksi sa isipan ang masamang ipinakita sa huling laban ang dagdag motibasyon ni WBO light flyweight champion Donnie ‘Ahas’ Nietes sa pagsampa sa ring kontra sa Mexicanong si Sammy ‘Guty’ Gutierrez sa main event ng Pinoy Pride XXIII sa Smart Araneta Coliseum ngayong gabi.
Umani lamang ng tabla si Nietes sa huling pagdepensa sa hawak na titulo sa laban nila ni Moises Fuentes noong Marso sa Cebu City.
“Naiisip ko pa rin ang nangyari. Kaya talagang kailangan kong dagdagan ang ipinakita ko noon sa labang ito,†wika ni Nietes.
Mula Mayo ay nagsimula nang magsanay si Nietes para sa nasabing laban at bagama’t hindi nagkukumpiyansa ay malaki ang paniniwala niyang mananalo sa laban.
“Title fight ito pero tune-up fight ko rin para kay Fuentes sa Marso. Depensa ang kailangang pagtibayin ko dahil ma-lakas din siya pero dapat din niyang inga-tan ang mga suntok ko tulad ng uppercut,†dagdag ng 31-anyos na kampeon.
Walang naging problema sa timbang sina Nietes at Gutierrez sa weigh-in kahapon sa Robinson’s Galleria ng tanghali dahil pareho silang pumasok sa sagad na timbang na 108-pounds.
Ang ikalawang title fight sa pagitan nina Merlito ‘Tigre’ Sabillo at Carlos ‘Chocorroncito’ Buitrago ay wala ring problema sa timbang dahil pareho silang eksakto sa 105-pounds.
Mandatory title defense ito ni Sabillo para sa suot na WBO minimumweight title at hindi biro ang kalaban na si Bui-trago na sa edad na 21-anyos ay hindi pa natatalo sa 27 laban.
“Magaling siyang boxer dahil undefeated kaya pinagbutihan ko talaga ang ensayo ko para pagdating ng laban ay may ibubuga ako,†pahayag ni Sabillo na hindi pa rin nakakatikim ng kabiguan matapos ang 23 laban.
Handog ng ALA Boxing Promotions katuwang ang ABS-CBN, dalawa ang main supporting bouts na katatampukan ng Pinoy boxers kontra Latino fighters na maglalaban sa WBO international titles.
Magdedepensa si Milan Melindo ng WBO international flyweight crown laban kay Jose Alfredo Rodriquez ng Me-xico habang itataya ni Jason Pagara ang hawak na WBO international light welterweight title laban kay Vladimir Baez.
Ang dating WBO ASPAC bantamweight champion na si AJ ‘Bazooka’ Banal ay masusukat kay Lucian Gonzales sa Puerto Rico habang si Jimrec ‘The Executioner’ Jaca ay babangga kay Wellem Reyk ng Indonesia na bahagi ng supporting bouts.
May apat pang preliminary fights na magaganap at ang unang laban ay sisimulan sa ganap na ika-6 ng gabi.
Magsisilbing inspirasyon ng mga Pinoy bets ang tagumpay nina Manny Pacquiao at Nonito Donaire at iaalay din nila ang kanilang laban sa mga kababayang nasalanya ng bagyong Yolanda kamakailan. (AT)
- Latest