Tiger Run kampeon sa Philracom Grand Sprint
MANILA, Philippines - Sapat na ang maagang paglayo ng kabayong Tiger Run para hiranging kampeon sa 2013 Philracom Grand Sprint Championship noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Mahusay na napanatili ni jockey Jonathan Hernandez ang tikas ng dalang kabayo na nanalo ng isang ulo sa rumemateng Don Albertini sa 1,000-metro distansyang karera.
Si Hernandez ang dating hinete ng Don Albertini na ginabayan sa pagkakataong ito ni Val Dilema.
Unang stakes rin ito ng Tiger Run sa taon at naibulsa ng connections ang P600,000.00 gantimpala mula sa P1 milyong kabuuang premyo.
Hindi napaboran ang nanalong kabayo dahil hindi ito tumimbang sa huling dalawang takbo.
Ang Sharpshooter na hawak ni Mark Alvarez ang napaboran matapos ang dalawang sunod na panalo habang ang Si Señor na siyang nagdedepensang kampeon sa karera ang second choice.
Pero hindi nakasabay sa matuling ayre sa alisan ang Sharpshooter at hindi tumimbang sa karerang nilahukan ng anim na kabayo habang ang Si Señor na hawak ni JA Guce at may tatlong dikit na panalo ay tumapos sa ikatlong puwesto.
Tila napahirapan ang 2012 champion sa 57-kilos handicap weight na ipinataw sa kabayo.
Inuna agad ni Alvarez ang sakay habang dumikit ang Tiger Run sa pagbukas ng aparato.
Sa huling 25-metro ay nasa pangalawa na ang kabayo ni Val Dilema ngunit unang naitawid ng Tiger Run ang kanyang ulo tungo sa panalo.
Dahil nadehado sa labanan, ang win ng Tiger Run ay pumalo sa P40.00 habang P616.50 ang dibidendo ng 6-2 forecast.
- Latest